NASUKOL SI RANDO NI MANG EMONG SA GIPIT NA KALAGAYAN
Nagsisigawan at nagpapalakpakan na roon ang mga miron. May biglang tumapik sa balikat niya sa umpukan ng mga kalalakihan. Si Mang Emong. Maluwag ang pagkakangiti nito sa kanya.
“Pwede ka pang humabol sa pagpapalista…” bungad sa kanya ng katiwala ni Don Brigildo. “May nag-backout sa Team B, baka gusto mong humalili.”
Napatitig siya kay Mang Emong. Pero dahil bulabog ang isipan, halatang-halata sa anyo niya ang dinadalang problema. Inakbayan siya ng matandang lalaki. Inilayo siya sa karamihan ng tao. Iginiit nito sa palad niya ang isang bungkos na sala-ping papel.
“Tanggapin mo ‘yan, bata…” anitong tumapik-tapik sa punong-balikat niya.
“Para saan po ito, Tata Emong?” aniya sa pagkamulagat.
“Alam ko ang problema mo sa ospital, bata. Beinte mil ‘yan… Kung kulang pa, sabihin mo lang,” ang walang ligoy na wi-nika ng matandang katiwala.
“Baka hindi ko po agad mabayaran ito…” pasintabi niya sa pagkautal ng dila.
“Kapag sumali ka sa darating na paligsahan, parang nakabayad ka na agad sa akin, bata…” ang sabi sa kanya ni Mang Emong.
“Ho? A, e…” ang tanging lumabas sa kanyang bibig.
“Sabi nga ng mga sinaunang matatanda, ang isang santo bago naging santo, e nagpakita muna ng milagro. Nasaksihan ko mismo ang pagmimilagro mo, bata… Kung manuntok ka, parang maso ang kamao mo,” ngiti sa kanya ng matandang katiwala.
At idinugtong pa nito: “Sugarol ako, bata… Kakabig ako pagtaya ko sa ‘yo…”
Nasukol si Rando ni Mang Emong sa gipit na kalagayan. At napilitan siyang magpatala sa listahan ng mga lalahok sa kompetisyon. Bilang pagbibigay lamang iyon sa matandang lalaking katiwala.
“Sa darating na linggo na ang eliminasyon… Good luck, bata,” anitong mahigpit ang pagkapisil sa kanyang palad sa pa-kikipagkamay.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia