KANYA-KANYA nang kampihan ang mga kilalang celebrities sa apat na sulok ng mundo kung sino ang mananalo kina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather jr.
Ang isa sa kilalang tao na nagbigay ng pananaw ay itong si UFC President Dana White. Sabagay, hindi kategorikal na kinampihan niya si Pacman pero malinaw na lumabas siya sa limelight para gibain ang diskarte ni Mayweather.
Kamailan lang ay pinanigan ni White ang pahayag ni UFC featherweight fighter Conor McGregor na, “I can kill Floyd Mayweather in less than 30 seconds” kung maghaharap sila sa octagon.
Mas lalong pandiin ang sinabi ni White na kahit sino sa UFC Fighter kasama na roon ang kababaihang fighter ay kayang gawin iyon kay Mayweather.
Matinding panggiba iyon dahil parang pinalalabas nina White na pipitsugin si Mayweather.
Pero in fairness kay Floyd, puwede ngang mangyari iyon dahil ano nga ba ang laban ng isang boksingero na ang alam lang ay manuntok kontra isang UFC fighter na maraming alam sa martial arts?
May nagkumento rin na miron na kung kaya sinasabi iyon ni White ay para sumakay sa papularidad ni Floyd.
Pero sa pananaw naman ng Kolum na ito, tumutulong itong si White para gibain ang konsentrasyon ni Floyd. Dahil kung aanalisahin mo, nauna nang nagpahayag ng suporta itong si UFC female fighter na si Ronda Rousey na hinahangaan niya si Pacman sa ring. Well, puwedeng naimpluwensiyan niya ang kapwa manlalaro sa UFC pati na ang pamunuan nito.
0o0
Pera-pera na talaga ang labang Manny at Floyd. Pati kasi ang panonood sa official wiegh-in ng dalawang boksingero ay may bayad na rin. Nakagisnan nang walang bayad ang nasabing weigh-in.
Ayon sa organizer, kailangang magbayad ng $10 ang bawat papasok sa MGM Grand Garden Arena para masaksihan ang makasaysayang pagsalang sa timbangan ng dalawang boksingero.
0o0
Para sa mga boxing fans na gustong makibahagi sa makasayasang laban nina Floyd at Manny, bubuksan natin sa publiko ang ating kolum para ipahayag kung sino ang sinusuportahan nila at kung ano ang nakikita nilang mangyayari sa laban, o anumang komento na may relasyon sa nasabing laban.
Mag-text lang sa 09202010729 at ilagay po ang inyong pangalan at address.
ni Alex L. Cruz