MATINDI ang pinagdaanan ni Radamenes, ang angelic little black cat sa Bydgoszcz, Poland, kaya maaaring ito ang dahilan at ninais niyang makatulong sa mga hayop sa veterinary center.
Makaraan mailigtas ng veterinary center ang kanyang buhay, ibinabalik niya ang pabor sa pamamagitan ng pagyakap, pagmasahe at minsan ay paglilinis sa ibang mga hayop na nagpapagaling sa kanilang sugat o makaraan isailalim sa operasyon.
Si Radamenes ay naging local attraction, at marami nang mga tao ang bumibisita sa kanya sa center para sila ay suwertehin.
Si Radamenes, gumaling sa respiratory infection, ay kasalukuyang tumutulong sa ibang mga hayop sa Polish shelter para sa agaran nilang paggaling.
Noong siya ay maysakit, inakala ng taong nagdala sa kanya sa center, na siya ay patutulugin na lamang.
Ngunit nang marinig ng mga beterinaryo ang kanyang pag-purr, nagdesisyon silang iligtas ang pusa.
Makaraan ang milagrosong paggaling ng pusa, nagulat sila nang makita si Radamenes habang niyayakap at nililinis ang ibang mga hayop.
Siya ay partikular na malambing sa mga hayop na dumaan sa seryosong operasyon.
Pabirong tinawag siya ng mga beterinaryo bilang full-time nurse. Anila, ang pusa ay kanilang mascot. (http://www.boredpanda.com)