Kinalap ni Tracy Cabrera
IPINAGBABAWAL na ang siesta, o pamamahinga nang sandali, para sa mga kostumer sa naka-display na mga kasangkapan (furniture) sa Beijing, ayon sa Swedish furniture chain na Ikea.
Dati-rati’y pinapasyalan ng daan-daang mga mamimili ang tindahan ng Ikea sa kabisera ng Tsina para lasapin ang airconditioning at komportableng mga kasangkapan na wala rin namang intensiyong mamili ng alin man sa mga tinda rito.
Sinabi ng Efe news agency na layunin ng pagbabawal at iba pang mga alituntunin ng Ikea na huwag nang papasukin yaong mga taong hindi mamimili at payagan lamang iyong bibili para mapaganda ang imahe ng kanilang brand.
Sa Beijing Ikea store, pangkaraniwang makita ang mga taong tinutulugan ang mga naka-display na sofa at kama.
Bilang exposure sa merkado sa Tsina, inisyal na nagbukas ang Ikea ng karagdagang mga showroom para imbitahin ang mga mamimili na ‘mag-siesta’ sa kanilang ibinebentang mga kama at sofa.
Makaraang ireklamo ng mga manggagawa na nakaiistorbo na ang mga nagsi-siesta at nakaliklikha ng masamang imahe sa kanilang kompanya dahilan para tumigil ang iba sa pagtangkilik sa kanilang mga produkto, nagdesisyson ang Ikea na wakasan na ang knailang kakaibang promotion.