MULI ay natapos ng maaga ang kampanya ng crowd-favorite Barangay Ginebra na nabigong makarating sa semifinals ng kasalukuyang PBA Commissioner’s Cup.
Naungusan ng Rain Or shine ang Barangay Ginebra, 92-91 noong Sabado sa MOA Arena at tuluyang umusad tungong semis ang Elasto Painters na pumasok sa quarterfinals nang may twice-to-beat na bentahe kontra sa eighth-seed Gin Kings.
Lamang ng isang puntos ang Gin Kings papasok sa huling 28 segundo at kanila pa ang bola. Pero hindi nila naitira ang bola at napaagaw ng import na si Michael Dunigan ang bola kay Jeff Chan na nagpasok ng lay-up na nagpanalo sa Elasto Painters.
Ang akala ng coaching staff ng Barangay Ginebra ay 24-second shot clock violation ang maitatawag sa kanila. Subalit hindi yon dumating at sa halip ay hinayaan ang steal ni Chan.
Maraming nadismaya sa larong iyon.
Kasi parang wala sa kanyang sarili si Dunigan na gumawa lang ng tatlo sa isang tira. Bukod dito ay nagtala pa ito ng sangkaterbang turnovers.
Katunayan, ang Gin Kings ay gumawa ng kabuuang 30 errors!
Paano ka naman mananalo kung 30 beses mong itatapon ang bola
Mabuti nga’t nagkaroon pa sila ng tsansang magwagi.
Dapat ay tambak na sila ng todo.
Pero maganda kasi ang laro nina Greg Slaughter, Japhet Aguilar at Mark Caguioa na pumuno sa kawalan ni Dunigan na malamang na hindi na makakabalik sa kampo ng Gin Kings!
Hindi natin alam kung ano ang tumakbo sa utak niya sa kabuuan ng laro, e.
Well, matagal-tagal na rin ang paghihintay ng mga fans ng Gin Kings para sa isang kampeonato.
Huli kasing nagkapeom ang kanilang paboritong koponan ay noong 2008 Fiesta conference nang sila ay pangunahan ng import na si Chris Alexander.
Matapos iyo ay maraming coaching changes na nangyari pero hindi na muling naulit ang selebrasyon.
Kailan kaya matatapos ang pahihintay?
ni Sabrina Pascua