NAALALA ba ninyo ang pelikulang Baby’s Day Out noong 1994?
Puwes nangyari ang isang bahagi ng kuwentong nitong Martes, 27 Enero 2026 sa Barangay Tabalong, Dauis, Bohol.
Kung sa pelikula’y nag-away ang mga kidnapper ni Baby Bink kaya siya nakatakas, sa insidenteng naganap sa Bohol mga magulang ang dahilan ng paglalaboy ng sanggol na muntik niyang ikapahamak.
Bumulaga sa mga motorista ang isang sanggol, tinatayang 12-buwan ang edad, naka-diaper habang gumagapang sa tabi ng national highway at hindi alintana ang panganib habang tuwang-tuwang pinanonood ang mga nagdaraang sasakyan nang masagip ng mga operatiba ng pulisya sa nabanggit na lugar.
Sa ulat ng pulisya sa Bohol, ikinagulantang ng mga motorista ang nakitang sanggol habang gumagapang sa tabi ng national highway sa Barangay Tabalong.
Nag-iisa ang sanggol kaya napahinto ang mga motorista sa matinding pagkabigla. Hindi naman nabanggit sa inisyal na ulat ang kasarian ng nasabing sanggol.
Napanood sa isang dash cam video footage, ilang mga motorista ang napilitang huminto upang protektahan ang sanggol na gumagapang, minsan ay nauupo habang tuwang-tuwa sa mga behikulo saka gumagapang muli.
Ilang nagdaraang sasakyan ang hindi nakapansin sa sanggol kaya napilitan ang ilang motorista na hintayin ang mga operatiba ng pulisya para sa kaligtasan ng sanggol.
Nagresponde ang mga operatiba ng pulisya at nasagip ang sanggol bago pa mapahamak o masagi ng mga sasakyan.
Nabatid sa imbestigasyon na nag-away ang ina at ama ng sanggol dahil sinusundo ng ginang ang mister para sa selebrasyon ng unang kaarawan ng kanilang anak pero hindi sumama ang tatay kaya iniwan ng nanay ang anak sa damuhan sa tabi ng highway upang kunin ang atensiyon ng asawa.
Pansamantalang isinailalim sa kustodiya ng Municipal Social Welfare and Development ang sanggol.
Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, inihahanda na rin ang mga posibleng kaso na haharapin ng mga pabayang magulang ng sanggol.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com