PUSH NA’YAN
ni Ambet Nabus
BIG fan pala ng iconic actress at beauty queen na si Pilar Pilapil ang famous make up artist of the stars at producer na ring si Bambbi Fuentes.
Personal choice kasi nito si Tita Pilar para gampanan ang role ng isang ‘lola’ na naging sentro ng mga misteryosong pangyayari sa isang isla sa upcoming movie na Mantsa.
“Sobrang fan niya ako talaga. Her beauty is classic and she is one of the finest actresses we gave around. Matagal ko na siyang gustong makatrabaho,” sey ni Bambbi sa katatapos lang na storycon ng naturang movie.
Masaya naman itong ina-acknowledge ni tita Pilar at naging excited pa ito dahil ipagkakatiwala nga niya ang pag-aayos sa kanya ng sikat na hair and make-up artist.
Naka-base na sa Cebu province ang award-winning actress dahil mayroon siyang mina-manage na diving resort doon, pero kapag may mga offer sa kanya na hindi niya matanggihan ay ginagawa lang niyang Quiapo-Cubao ang biyahe papuntang Manila from Cebu.
Excited ang beteranang actress sa pelikula lalo’t puro baguhan ang makakasama nila at first time niyang makakatrabaho ang award winning director na si Louie Ignacio.
Mayroon namang condo unit si tita Pilar kapag nasa Manila na inaasikaso ng kanyang apo na nag-aaral naman sa UP Diliman.
Ang nasabing apo nga ang naghahatid-sundo sa kanya kapag may mga work siya sa Manila.
Makakasama ni tita Pilar sina Gelli de Belen, Snooky Serna, Lloyd Samartino, Miles Poblete at ang mga young actor na sina Shira Tweg, Bo Bautista, Kai Flores, Than Perez, Ghia Garcia, Mill Marzo, Rain Barretto, RJ Ariar, at LA Santos.
Sa Bulacan sila nakatakdang mag-shoot at may tentative playdate na ito ngayong March.
Kasama ni Bambbi bilang producer ng movie under Dragon Entertainment Productions, si Tine Ariola.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com