BILANG paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mamimili at motorista ngayong Christmas season, iniutos ni Marikina Mayor Maan Teodoro na magpatupad ng mas mahigpit na pamamahala sa trapiko at seguridad sa mga pamilihan at lahat ng commercial areas sa lungsod.
Ayon sa alkalde, lumalala na ang trapiko sa ilang lugar kaya’t inatasan niya ang Office of Public Safety and Security (OPSS) at mga traffic enforcer na ayusin ang daloy ng sasakyan, lalo sa mga pangunahing interseksiyon at pasukan at labasan ng Marikina.
Layunin nito ay para sa kaligtasan, kaayusan, at mas maayos na pang-araw-araw na galaw ng mga taga-Marikina.
Hiniling din ni Mayor Teodoro sa Marikina Police na paigtingin ang police visibility at seguridad sa mga pamilihan upang maiwasan ang pandurukot at iba pang insidente.
Nagpasalamat ang alkalde sa mga kawani ng lungsod, frontliners, at volunteers sa kanilang patuloy na serbisyo at pakikiisa sa programa. (VICK AQUINO)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com