AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
NANINDIGAN si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na dapat sampahan ng kaso si dating House Speaker Martin Romualdez dahil sa multi-bilyong pisong anomalya sa flood control projects.
Nitong nakaraang Huwebes sa year-end press conference ng Kalihim, inirerekomenda ng DPWH ang pagsasampa ng kaso laban sa 87 indibiduwal na sangkot sa flood control fiasco. Pinakamataas sa listahan si Romualdez at ang kanyang Appropriations Chairman noon, si dating Cong. Zaldy Co.
Ang anomalya sa proyekto sa panahon nina Romualdez at Co ay nagtagal ng ilang taon. Bilyon-bilyong pisong pondo ng gobyerno ang nasayang at hininalamg pinaghati-hatian ng mga sangkot, habang libo-libong pamilya ang patuloy na binabaha taon-taon.
Pero bakit kaya tila wala pa rin aksiyon ang Ombudsman o si Chairman Boying Remulla para panagutin si Romualdez? Wala pa nga ba?
Buti pa sa kaso kay Co, may malinaw nang hakbang: may graft at malversation complaints, ilan sa kanyang arrest warrants ay nailabas na, at nakansela ang passport. Ang ilan sa maliliit na sangkot ay naaresto na rin. Kahit malayo pa ang hustisya, may naumpisahan na.
Nakababahala ang kawalang-galaw ng kaso kay Romualdez. Noong Nobyembre, inirekomenda na ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na sampahan siya ng kaso. Hanggang ngayon, wala pa rin aktuwal na kaso mula sa Office of the Ombudsman, walang freeze order, at walang pormal na aksiyon, kahit lumalakas ang mga alegasyon laban sa kanya.
Tumitindi tuloy ang hinala na may proteksiyon si Romualdez mula sa Ombudsman—kapartido, kaalyado, at ka-brod sa fraternity. Habang ang iba, kahit binura na sa listahan ng ICI, ay patuloy na pinupuntirya, si Romualdez ay tila may espesyal na trato.
Ang may kinikilingang hustisya na ito ay nagpapakita ng hindi pantay na pagpapatupad ng batas. Kung tunay na seryoso ang gobyerno sa kampanya kontra korupsiyon, lahat ng sangkot ay dapat pantay-pantay na haharap sa hustisya.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com