ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
MATAPOS mapanood sa mga sinehan ang movie version ng “Walong Libong Piso,” magbabalik ito sa teatro sa mga sumusunod na dates -November 29, December 5, 12, at 14. May dalawang show sa mga nabanggit na dates, isang 6:00pm at 9:00pm, sa Teatrino, Greenhills pa rin.
Noong unang run nito, ang play ay pinagbidahan nina Paolo Gumabao, Drei Arias, Juan Paolo Calma, at Jhon Mark Marcia.
Sa re-run ay idinagdag, bilang kapalit ni Juan Paolo ang hunk aktor na si Jorge Guda, na miyembro ng all male group na Magicvoyz. Personal na pinili si Jorge ni Engineer Benjie Austria, ang executive producer ng Bentria Productions.
Malakas ang dating ni Jorge, guwapo, at palaban, kaya tiyak na aagaw siya nang pansin sa mga manonood.
Ang pinag-usapang play na Walong Libong Piso ay nagkaroon ng 12 shows sa Teatrino, Greenhills noong Agosto. Ito’y sa panulat at direksiyon ng former sexy actor noong 1990’s na si Dante Balboa.
Anyway, sa huntahan namin ni Jhon Mark, inusisa namin siya sa balitang pinaka-daring daw ang aktor sa mga itinampok sa naturang play.
Tumawa muna si Jhon Mark bago sumagot, “Sabi po nila, ako raw ang pinaka-daring, hahaha! Pero mas gusto ko po na mapanood nilang lahat (yung apat na nagbida sa play) para ang manonood po mismo ang magsabi kung sino talaga ang pinaka-daring.”
Aniya pa, “This time po hindi lang po ako magpapasilip dito, hahaha! Pero kaya po iyan, kaya po…
“Pero sa totoo lang po, challenging talaga itong play na ito. Kasi po, dapat ay hindi ka magkakamali, dire-diretso ka lang, kaya medyo nakakailang po.”
Dagdag pa niya, “Kasi rito ay wala talagang cut po, dire-diretso lang ang play. Unlike sa movie na nagka-cut po kami, kaya talagang challenging po ito.
“So, dapat po na alam mo ang pagkakasunod-sunod talaga nang gagawin mo, ng lines mo, ng eksena mo, iyong igagalaw mo… ganoon po.”
Ayon naman kay Dennis Evangelista (na associate producer nito), kung noong unang play ay marami ang natakam sa mga barakong ito, this time raw ay mas daring ang mapapanood sa apat na bida sa nasabing play. Kaya hindi ito dapat palagpasin.
Aminado rin si Jhon Mark na dahil sa play na Walong Libong Piso ay mas nadagdagan ang indecent proposals sa kanya.
Esplika ng hunk na talent ni Lito de Guzman, “Sobrang dumami po, hahahaha! Dumami po ang nag-pepresyo sa akin. Ang dami pong…
“Nagpapasalamat po ako na medyo gumanda po ang career ko. Kasi, ang daming projects na natatanggap, ang daming guestings, po. I’m happy po at hindi ako nagsisisi sa ginawa ko,” aniya pa na hindi na sinabi kung ano ang mga offer na inaalok sa kanya.
Iyong mga offer ba, mula sa gay o matrona?
Tugon ni Jhon Mark, “Lahat po, halo-halo po, hahaha! Pero ako naman po kasi, pala-kaibigan talaga ako.”
Na-temp o natukso ba siyang patulan ang mga offer na indecent proposals sa kanya?
“Hindi po e, kasi focus talaga ako sa aking career. Ako naman ay willing makipagkaibigan kapag may dumarating na ganyan, marami po akong kaibigan… friendly po kasi akong tao,” nakangiting pakli pa niya.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com