RATED R
ni Rommel Gonzales
MULA sa pagiging may-ari ng pabrika ng goma o rubber, ang RK Rubber Enterprises Co., ay tumawid si Xavier Cortez sa larangan ng pelikula at binuo ang CineGoma Film Festival.
Marami ng film festivals ngayon, ano sa tingin ni Xavier ang pagkakaiba ng CineGoma sa ibang film festival?
“Actually, ang pagkakaiba ng Cinegoma…pinahahalagahan bawat filmmaker, lahat ng filmmakers sa amin ay ipino-post namin ‘yung mula BTS, director’s info, poster, trailer.
“Basta lahat ng puwedeng i-post tungkol sa filmmaker ay talagang ipino-post namin and next po is may film lab din kami na hindi rin kami humihingi ng kahit na ano sa mga filmmaker. Talagang nagbibigay lang kami ng value para sa kanila.
“Online and face-to-face, so which is nahirapan kami kasi siyempre kapag face-to-face iba naman ‘yung dating niyon sa nagtuturo ka ng online.
“So, ginawa namin para happy ang lahat. Iba ‘yung nagtuturo sa face-to-face. Iba ‘yung nagtuturo sa online. Pero parehong topic para naka-focus talaga.
“So ganoon ka-dedicated ‘yung Cinegoma pagdating sa pagbibigay ng platform and experience and value sa mga aspiring filmmaker.
“Tapos siyempre, sa mismong Cinegoma week, may exhibit din kami. May mga standee rin kami na hindi lang sa mga film poster, may director’s info, tapos kasama na rin ‘yung mga BTS nila.
“Para pati ‘yung team nila, nai-empower din, ginaganahan kasi nakikita nila na pinhahalagaan sila ng Cinegoma.
“So ‘yun ‘yung nakikita kong pagkakaiba ng Cinegoma. Kami rin lang ‘yung film festival na engineering company ang nag-organize,” mahabang pagbabahagi ni Xavier.
Ang 2025 edition ng Cinegoma, na co-film festival director at creative consultant ang batikang direktor na si Raymond Red, ay magaganap mula November 24 hanggang 29.
Ang mga movie screening ay sa QCX sa Quezon Memorial Circle, RK Cinema sa Quezon City, at sa SinePop.
Ang awarding ceremony naman ay sa Quezon City University na tatanggap ng cash prizes ang mga magwawagi sa bawat kategorya.
Ang mga naging bahagi ng jury ay sina Rolando Inocencio, Diego Llorico, Ynez Veneracion, Rodolfo “Jun” Sabayton Jr, among others.
Samantala, ilan na sa past entries ng Cinegoma ay umani na rin ng papuri sa FAMAS Short Film Festival 2025. Ilan sa mga naging nominado ay ang Pangako sa Tuktok Daraitan (Best Production Design, Best Regional), Parapo (Best Cinematography, Best Director), at Benny (Best Editing, Best Production Design).
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com