MATABIL
ni John Fontanilla
MUNTIK-MUTIKAN nang mamatay ang aktor na si Hiro Magalona at ang misis nitong si Ica Aboy Peralta nang ma-trap sa kanilang condo na nasa 7th floor sa Suntrust Shanata Condominium noong September 22 ng madaling araw.
Ani Hiro, “Nasunugan kami tito, kaninang umaga, muntikan kami mamatay ni Ica.
“Bale na trap po kami. Sa bilis ng pagkalat ng apoy, may unit po na nasunog sa 7th floor, buong hallway.
“Natutulog pa kasi kami mga madaling araw nagsimula ‘yung sunog at hindi gumana ang fire alarm. Paggising namin malaki na na ‘yung sunog kaya na-trap kami,” pagbabahagi ni Hiro.
Nasugatan si Hiro dahil sa sunog.
“May mga injuries po ako, mabuti na lang si Ica wala po.
“Mabuti na lang na-rescue kaming dalawa, kung hindi baka patay na kami pareho.”
Sa ngayon ay under investigation kung ano ang dahilan ng sunog.
Buong 7th floor ay nasunog kasama ang unit nila Hiro, kaya naman buong ari-ariang naipundar nilang mag asawa ay parang bulang naglaho.
“Naiiyak ako tito, parang back to zero po kami, lahat natupok ng apoy.
“Ang ipinagpapasalamat ko na lang sa Diyos na buhay kaming mag asawa,” wika pa ni Hiro.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com