MATABIL
ni John Fontanilla
MULING aarte makalipas ang ilang taong pananahimik ni Zyrus Desamparado. Magbibida siya sa Visayan movie, ang Sugo na idinirehe ni Elcid Camacho.
Ang huling pelikula ni Zyrus ay ang 2009 award winning movie na Engkwentro ni Pepe Diokno, na nanalo si Zyrus ng Breakhrough Performance by an Actor sa 7th Golden Screen Awards noong 2010.
Ang pelikulang Sugo ay tungkol sa taong 2026 na may isang lihim na organisasyon ang nakatuklas ng paglalakbay sa panahon at nagpadala ng isang nag-iisang operatiba—kilala lamang bilang ang Sugo—pabalik sa taong 1988 para baguhin ang takbo ng kasaysayan.
Ngunit sa bawat paglukso sa panahon ay may kapalit, at ito ang kompletong pagkawala ng alaala. Nawalan ng pagkikilanlan at tanging mga fragment ng misyon lamang ang nagtutulak sa Sugo.
Kailangan niyang mag-navigate sa nakaraan, alamin ang mga lihim na katotohanan, at harapin ang posibilidad na ang pagligtas sa hinaharap ay nangangahulugan ng muling pagtuklas sa kanyang sarili.
Kakaibang role ang gagampanan dito ni Zyrus na malayong-malayo sa mga proyektong nagawa na.
Magkakaroon ng premiere night sa Cebu ang Sugo. Pagkaraan ay mapapanood ito sa BisayaFlix app. na pag-aari ni direk Elcid, dating Mr. Universe Philippines at asawa ni Akiko Solon, dating Star Magicartist.
Layunin ng BisayaFlix na mabigyan ng pagkakataon ang mga local artist specially sa Visayas at Mindanao.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com