HATAWAN
ni Ed de Leon
DAHIL sa nangyari kay Sandro Muhlach, muling nabubuksan ang ilang kaso ng sexual abuse na nangyari sa showbusiness. Hindi naman maikakaila na nangyayari talaga ang ganyan, at kung hindi man magreklamo ang biktima dahil nakikinabang din naman sila sa pag-abuso sa kanila, abuso pa rin iyon at hindi dapat kunsintihin.
Nangako naman ang GMA na gagawa sila ng isang impartial investigation sa mga nangyari, pero kakatuwa dahil ang lumalabas ngayon pati na ang ibang sexual abuse na nangyari sa nakaraang panahon at puro pa iyon nangyari sa GMA Network.
Unang lumabas iyong reklamo ni Gerald Santos na matapos sumali sa isang singing contest sa network ay sinasabing pinagtangkaang abusuhin ng isang bakla at 15-anyos lang siya noon. Nagreklamo si Gerald pero umalis agad sa network ang bakla at hindi na nga napag-usapan ang mga bagay na iyon. Kung iisipin na nangyari iyon sa network, at kahit na umalis na ang sinasabing may kinalaman doon dahil nangyari iyon sa kanilang network, dapat sanang nagkaoon ng imbestigasyon. Ganyan din ang nangyari sa kaso ni Mike Tan na kung tutuusin dahil winner siya sa Starstruck ay dapat sanang nabigyan ng priority. Ito iyong dahil sa isang pangyayari na nagsumbong siya nang hipuan ng isang baklang director habang nagpapahinga at may taping break. Iniwasan siya ng ibang mga bakla sa network. Hindi siya isinasama sa mga hawak nilang project na kumaunti na nang kumaunti ang labas ni Mike, hanggang sa halos wala na lang. Marami pang sinasabing nangyaring sexual abuse dahil hindi naman nagreklamo ang biktima wala man lang imbestigasyong isinagawa.
Kakatuwa ring ang napag-uusapang sexual abuse na ginagawa ng mga bakla ay iyon lamang nangyayari sa GMA ganoong marami rin namang kaso sa iba.
Pero iyong ibang network kasi kinukunsinti nila ang mga ganyang sexual abuse o ang pakikipag-relasyon ng kanilang mga tauhan sa mga artista nilang lalaki. Common knowledge naman ang kabit-kabit pero hindi na pinag-uusapan pa. After all sinasabi nila na wala namang complaint. Pero noon pa ay usapan na iyan kung hindi ka papatol sa mga bakla hindi ka aangat sa kanilang network. Kung minsan nagkakaroon pa ng away ang mga bakla dahil sa kanilang mga boy toy.
Walang reklamo pero kung ang ganyang kalakaran ay hinahayaan, paano nga ba mapipigil ang imoralidad sa kanilang hanay? Tila nagiging normal na sa kanila na kailangan kang pumatol sa mga bakla para sumikat.
Ewan kung ano ang pananaw nila pero naniniwala kami na ang mga ganyang pangyayari ay hini dapat na kunsintihin. Sino naman kaya ang susunod na biktima pagkatapos ni Sandro?