SA kalagitnaan nang isinasagawang fire drill, biglang lumiyab ang apoy sa Starland International School (SIS) sa 12th avenue, Brgy. T Socorro, Cubao, Quezon City, nitong Biyernes.
Sa inisyal na report ng Bureau of Fire Protection (BFP), bandang 8:59 ng umaga (September 15) nang biglang nakita ng mga estudyanteng nagsasagawa ng fire drill na may umuusok sa stock room na nasa likuran nila.
Agad namang naglabasan ng paaralan ang higit 175 mga estudyante at faculty members at mabilis na inireport sa mga otoridad.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog at idineklarang fire under control bandang 9:57 ng umaga.
Kaugnay nito, sinabi ng opisyal ng paaralan na mayroong klase nang magsimula ang sunog ngunit ligtas na nailikas ang lahat ng mga estudyante at mga personnel ng paaralan.
“Meron po silang pasok kanina, pero nailabas naman po sila agad. Wala naman po [na nasaktan]. Okay naman po sila and well-informed po lahat ng parents,” pahayag ni Sally dela Cruz, Assistant to the Vice President ng SIS sa isang panayam.
Inaalam pa ng mga arson investigator ang danyos at sanhi ng sunog. (ALMAR DANGUILAN)