RATED R
ni Rommel Gonzales
TINANONG namin si Manila City Mayor Honey Lacuna kung ano ang naging saloobin niya sa hindi pagkakapanalo ni Isko Moreno sa Presidential election nitong nakaraang May 2022. Si Isko ang dating alkalde ng Maynila bago si Mayor Honey.
“Siyempre malungkot po, napakalungkot po namin dahil siyempre we had very high hopes for the mayor. And lahat naman po kami sinasabi namin na rito sa City of Manila napakarami pong nagawa ng amin pong former mayor.
“So siguro hindi pa ho nakita ng maraming tao ‘yung mga nagawa ni Mayor kaya, siyempre nalungkot po kami para sa kanya kasi parang isa kaming pamilya, eh. So iyon po.
Sa isang hiwalay na panayam ay nabanggit ni Manila City Vice-Mayor Yul Servo na sa isang banda ay masaya si Isko kahit hindi ito nanalo sa nakaraang eleksiyon muli itong makatutulong sa Maynila kahit wala sa puwesto, na masaya ito dahil lahat ng itinanim niya na magagandang proyekto ay inaani nila ngayon ni Mayor Honey at mga Manilenyo.
“Masaya po siya unang-una for us kasi nga po isang pamilya kami, lahat po ng mga… we treat each other as brothers and sister so, masaya po siya para samga kapatid niya and at the same time siguro nabigyan po siya ng chance to spend time with his family.
“And may pinagkakaabalahan po siya ngayon, nagpepelikula pa.”
Kasama sa cast ng Martyr Or Murderer si Isko bilang si Ninoy Aquino.
Dalawa sa mga proyektong inaasikaso ngayon ni Mayor Honey ay ang Miss Manila pageant at ang nagbabalik na The Manila Film Festival, paano niya napagsasabay-sabay ang marami niyang adikain?
“Diyan po magaling ang mga babae,” at tumawa si mayor Honey, “kaya po namin ‘yan.
“We have a very good team, mayroon naman po kaming kanya-kanyang assignments, napakagaling po ng aming Department of Tourism, Culture and the Arts Manila and sanay na po kami riyan, eh.
“Na every Araw Ng Maynila we have one long week of celebration so, hindi lang po itong The Manila Film Fest, hindi lamang po itong Miss Manila, of course Miss Manila will be the culminating activity sa June 24 pero mayroon pa po kaming awarding ng mga Most Outstanding Manilans, mayroon pa po kaming Nilad Festival.
“There’s so much to look forward come Araw Ng Maynila.”
Sa April 30 ang huling araw ng application online sa www.missmanila.ph