MA at PA
ni Rommel Placente
SA guesting ni Ken Chan sa Fast Talk With Boy Abunda noong Wednesday, sinabi niya kay Kuya Boy Abunda na panglima na sila sa pamilya ng kanyang ama. Pero sa kabila nito, wala siyang sama ng loob o galit sa kanyang ama nang malaman niya ito.
Sabi ni Ken, “Sobrang pinabago ako ng sitwasyon na ‘yon Tito Boy. I think I became a better person after that. Ako ‘yung tumayo na tatay o padre de pamilya ng pamilya namin simula noong nawala si papa at pinili niya ‘yung ibang pamilya. At naiintindihan ko siya roon, kasi kami ‘yung pinakahuli eh.”
Tanong ni Kuya Boy kay Ken, “Why do you understand it? Why do you understand your father na pang-lima kayo?”
“Dahil may nauna sa amin at talagang dapat lang na piliin niya ‘yung kung sino ang nauna sa amin dahil ‘yun ang tama. At ‘yun ang naiintindihan ko at doon ako humuhugot at pinanggagalingan ko,” sagot ni Ken
“Inilagay ko ‘yung sitwasyon ko sa kanya. Sabi ko rin sa sarili ko, kung mangyayari sa akin ‘yun, pipiliin ko rin kung sino ang nauna.”
“Dahil ‘yun ang tama at ang pagpili sa inyo ay mali? Ano ang kinalaman ng isang anak sa desisyon ng mga magulang? Saan kayo inilagay?” tanong ng King of Talk.
Ayon kay Ken, dumating sa puntong pinapili ng kanyang ina ang ama kung kaninong pamilya ang sasamahan nito.
“Sa kanila. Dumating sa point na hindi na rin kami masyadong nakakapag-usap ni papa ngayon, pero hindi ako nagtanim ng sama ng loob,” pahayag ni Ken.
“Bakit hindi ka nagalit na pinili ang ibang pamilya at hindi kayo?” tanong ni Kuya Boy.
“Actually masaya pa ako Tito Boy kasi may mga kapatid ako sa labas. Masaya ako na marami kami. Pero siyempre para sa nanay ko, masakit ‘yun para sa kanya,” sagot ni Ken.
Pagpapatuloy niya, “Pero sa akin bilang isang anak, hindi talaga ako nagalit, hindi ako nakaramdam ng sama ng loob sa tatay ko. Honestly, mas naging masaya ako kasi mas malaki ang pamilya ko.”