MA at PA
ni Rommel Placente
HANGA pala si Johnny Manahan kay Miguel Tanfelix. Ikinompara pa nga ng una ang huli kay Alden Richards.
Feeling ni Mr. M, si Miguel na ang susunod sa mga yapak ni Alden bilang isa sa mga itinuturing na hari ng Kapuso Network dahil sa ipinakikita nitong galing at propesyonalismo sa trabaho.
Sa isang video na in-upload sa YouTube channel ng Sparkle, ang talent management ark ng GMA Network na nagse-celebrate ng kanilang unang anibersaryo, mapapanood ang pag-uusap nina Alden at Mr. M..
Sa nasabing video, nagbigay ng advice at ilang tips si Mr. M sa mga artista ng GMA artists at binanggit nga niya ang pangalan ni Miguel.
Ayon sa Sparkle consultant, “I like him. Miguel, I think, will make a very fine actor. Experienced ‘yan so as he grows, as he works, magiging Alden Richards din ‘yan.”
Sabi pa ni Mr. M, parehong nagsimula nang maaga sa mundo ng showbiz ang dalawang aktor at unti-unting gumawa ng sarili nilang pangalan sa entertainment industry.
In fairness naman kay Miguel, bukod sa gwapo na ay talented pa. Talagang malayo pa ang mararating niya sa showbiz. At naniniwala kami sa sinabi ni Mr. M, na posibleng maging isang Alden Richards din si Miguel, na maaabot din nito ang kasikatang tinatamasa ngayon ng aktor.