MATABIL
ni John Fontanilla
UMAGOS ang luha sa mga mata ng Japan based international singer na si Jos Garcia nang tawagin ang kanyang pangalan bilang winner sa kategoryang Best Female Accoustic Singer of the Year sa katatapos na 13th Philippine Movie Press Club Star Awards for Music para sa kanyang awiting Nagpapanggap under Viva Records na mula sa komposisyon ni Maestro Rey Valera.
Gumagaralgal ang boses nito sa kanyang thank you speech na inialay niya ang kanyang pagkapanalo sa yumaong ina na siyang inspirasyon niya para marating ang tagumpay na mayroon siya ngayon.
First time na nagwagi ng singer sa Star Awards for Music kaya naman bilang singer ay isang malaking karangalan sa kanya na mapansin ang kanyang musika.
Kaya naman buong puso ang pasasalamat nito sa PMPC sa parangal na iginawad sa kanya, lalo na’t matagal na itong inaasam na manalo ng star awards.
Pasasalamat din ang gusto nitong iparating sa kompositor ng kanyang awiting Nagpapanggap na si Maestro Rey at sa kanyang mga tagahanga na hanggang ngayon ay nandiyan at patuloy siyang sinusuportahan.