MA at PA
ni Rommel Placente
SA panayam pa rin ng PEP.ph sa legal counsel ni Vhong Navarro na si Atty. Alma Mallonga, nanindigan ang abogada na hindi totoo ang bintang na rape laban sa komedyante.
Sabi ni Attyt. Mallonga, “Klaruhin lang natin na ang nangyari noong January 22, 2014. More than eight years ago, naging biktima po si Vhong Navarro ng krimen.
“Siya po ‘yung biktima. Siya po ay idinetain, binugbog, pinagbantaan, kinukunan ng pera.
“‘Di ba, dinala siya sa police station at sinabi, ‘Pang ano lang ito, pang-leverage para hindi ka magsumbong. Ilalagay natin ‘to na ikaw ay nag-confess na mayroon kang ginawang attempted rape. Pero buburahin natin ‘yan ‘pag nagbayad ka, huwag kang magsusumbong.’”
Ang tinutukoy ni Atty. Mallonga ay ang pagpapa-blotter ni Deniece Cornejo kay Vhong noong January 22, 2014.
Ginamit daw ng grupo nina Deniece at Cedric ang police blotter para matakasan ang ginawa kay Vhong.
Patuloy ng abogada, “Kaya naman si Deniece walang pinayl na complaint, ‘di ba? Walang nangyari.
“Pero noong dinala na si Vhong bilang biktima, at mayroon ding mga nagpayo sa kanya, mga nagmamahal sa kanya, kailangang maipaglaban niya ang kanyang mga karapatan.
“So, nagreklamo siya sa NBI, at nagsampa na nga siya ng kaso.”
Noong July 2018, nahatulang guilty si Deniece sangkot ang negosyanteng si Cedric Lee sa kasong grave coercion.
Sa kasong grave coercion, napatunayang pinilit si Vhong na pirmahan ang police blotter na nagsasabing nangyari ang attempted rape niya kay Deniece.
Napatunayan ding pinilit at tinakot lamang ang aktor na sang-ayunan sa police blotter na ginawaran siya ng “citizen’s arrest” ng grupo ni Cedric at ilan pang kalalakihan dahil umano sa pang-aabuso niya kay Deniece kahit hindi niya ito ginawa.
Kaugnay nito, ang kasong serious illegal detention laban sa grupo nina Deniece at Cedric ay may kinalaman sa paggapos, pagpiring, pambubugbog, at pananakot na ginawa kay Vhong sa loob ng condo unit ni Deniece noon ding January 14, 2014.
Hangggang ngayong 2022 ay nililitis pa rin ang kasong iyon.