Magsasagawa ng pagrerebisa ang Philippine Racing Commission (Philracom) laban sa mga nagaganap na perderan ng kabayo sa tatlong karerahan sa Cavite at Batangas.
Kabilang sa rerebisahin ng Philracom ang kuwestiyunableng pagkakatalo ng kabayong ‘Galing Galing’ na huling sinakyan ni Jockey RG Fernandez sa karerang ginanap sa bakuran ng Sta. Ana Park, Naic.Cavite.
Ito ang naging tugon ng Philracom sa inilabas ng Kontra-Tiempo na tumanggap ng maraming reklamo mula sa mga mananayang karerista.
Mismong si Commissioner Jesus B. Cantos, Executive Racing Director ng Philracom, ang nagsabing kaniya itong iparereview, upang makita ang ginawang pagdadala sa kabayo ng hinite.
Batay sa obserbasyon ng Kontra-Tiempo na personal din na nakapanood ng laban, hindi nakitaan ng interes na manalo ang hinete dahil sadyang pinagod nito ang kabayo matapos paalagwahin matapos kunin ang unahan sa pagbukas ng starting gate hanggang sa tawirin ang finishing line.
Dahil sa naging diskarte ng hinete, kinapos ng hininga ang Galing Galing at walang kahirap-hirap na tinalo ng mga kalaban na sina Musashi at Gee Aye Jane sa umpisa ng karera noong Setyembre 4.
Katarungan lamang ang hinihingi ng mahal nating mananayang karerista na siyang bumubuhay sa industriya, anong silbi ng mga ginagawang pagbabago ng Philracom upang maibangon sa pagkakalugmok ang karera kung may mga hinete at horse owner na bumababoy ng karera.
Ni andy yabot