HATAWAN
ni Ed de Leon
MARAMING observers ang nagsasabi, iyon daw nakaraang eleksiyon ay sobrang maraming mga artistang nakialam sa kampanya. Mapapansin ninyo na hindi naman ang mga kapwa artistang kandidato ang kanilang tinulungan. Siyempre walang aamin, pero may bayad iyang mga political endorsement na iyan. Bakit hindi namin sasabihin iyan eh noong mga nakaraang panahon talaga namang binabayaran ang mga iyan. Baka nga lang bawas ngayon dahil sa pandemya pero huwag ninyong sabihing pati pang-gasolina lamang nila at pagkain walang ibibigay sa kanila.
Karamihan din naman ng mga artistang masugid na nagkampanya ay mula sa ABS-CBN. Bagama’t mabilis ding ikinaila ni Vice Ganda, sa kanya mismo nanggaling iyong salitang “doon muna kami sa makapagbibigay sa amin ng prangkisa.” Marahil iyon nga ang inaasahan nila, na maibabalik agad ang kanilang franchise at magkakaroon sila ng trabaho agad.
Pero nang lumabas ang resulta ng eleksiyon, maliwanag na hindi na pinakikinggan ng masa ang endorsement ng mga artista. Siguro dahil obvious nga ang dahilan ng kanilang pakikialam, o nanaig ang kagustuhan ng masa kaysa naririnig nilang endorsement. Hindi lang naman kasi ang kanilang diretsong sinisiraan ang nanalo, nanalo rin ang halos buong senatorial line up na hindi nila ineendoso maliban sa isa. Maliwanag kung ganoon na nangibabaw ang kaisipang political ng mga tao, na 30 taong mahigit na natangay ng propaganda. Ngayon tila hindi umubra ang kaparehong strategy. Kaya kailangan sa 2025, ibahin na nila ang kanilang strategy ng hate campaign, at tanggapin na nila na ang mga artista ay pantawag tao lang at hindi pinaniniwalaan ang kanilang political endorsement.
Tapos na ang panahong namamayani ang mga artista. Bumaba pa ang kanilang popularidad dahil nawala sila noong panahon ng pandemya. Ngayon nga ni sa sine hindi pa sila makabalik eh. Puro lang sila internet movies. Tapos iyong pinanonood sa internet, hindi pa iyon ang kinuha nilang endorser.
Halimbawa, inamin mismo ng Vivamax na ang pinakamalakas na pelikula sa kanilang platform ay iyong kay Angeli Khang at hindi ang pelikula ni Sharon Cuneta. Kung utakan iyan, dapat mas pinag-endorse nila si Angeli kaysa kay Sharon.