HATAWAN
ni Ed de Leon
MAWAWALA na nga kaya ang network wars ngayong “nagkasundo” na ang GMA 7 at ang ABS-CBN?
Iba ang tingin namin sa deal na iyan. Ang usapan lang naman nila ay ilang pelikula ng Star Cinema, hindi ang buong catalogue ng kompanya ang ibinigay nila sa GMA. Ang mga pelikulang iyan ay nailabas na sa mga sinehan, sa video, at sa cable. Ngayon ibinigay iyan sa GMA dahil sa free tv. Wala naman kasing free tv ang ABS-CBN dahil wala nga silang franchise, at hindi naman sila babayad ng blocktime sa Zoe TV at sa TV5 para ilabas ang mga pelikulang iyan. Natural ang ilalabas nila roon ay iyong mga bago nilang program content.
Ang nakikita namin diyan, nakakuha ang GMA ng content na mababa ang presyo kaysa kung sila pa ang gagawa ng ipalalabas nila. Sa parte naman ng ABS-CBN, kaysa nakatengga ang mga pelikulang iyan, pagkakitaan na muna nila, magkaka-pera pa sila habang wala naman silang franchise.
Oras na ang ABS-CBN ay magkaroon na ng sarili nilang franchise ulit, palagay namin babalik na muli ang network war, dahil bakit mo naman bibigyan ng bala ang kalaban mo? Basta nakakuha iyan ng franchise, na inaasahan naman nila oras na manalo sa eleksiyon ang pinapaboran nilang mga kandidato, balik giyera iyan.