KINOMPIRMA ng Department of Foreign Affairs (DFA) na 21 tripulanteng Filipino ng M/V S-Breeze mula sa Ukraine ang nakatakdang dumating sa bansa ngayong araw, Martes, 8 Marso.
Ayon sa kagawaran, dahil sa pagsisikap ng Philippine Embassy sa Budapest at ng Philippine Honorary Consulate, nakapasok ang mga marino sa Moldova mula Ukraine, mula sa Chisinau, ang mga Filipino ay dinala sa Romania, kung saan sila dumating nang maaga noong 4 Marso.
Inaasahan ang pagdating ng mga Pinoy seafarers ngayong Martes 8:30 am sakay ng Philippine Airlines (PAL) flight PR659.
Ayon sa DFA ang grupo ay inilikas mula sa M/V S-Breeze, isang bulk carrier na nasa drydock para sa pagkukumpuni sa Ilyichevsk Ship Yard sa Port of Odessa, Ukraine mula pa noong 27 Enero 2022.
Sinabi ng DFA, isa pang grupo ng mga marino, partikular ang 13 sa 31 tripulante ng Star Helena, ay nakatawid sa border ng Moldova noong 3 Marso at matagumpay na inilikas mula sa Chornomorsk sa pamamagitan ng Honorary Consul sa Moldova, kung saan hinihintay ang kanilang repatriation pauwi sa bansa. (GINA GARCIA)