AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
SA WALANG TIGIL na pagtaas ng produktong petrolyo, lahat ng mga pangunahing bilihin ay apektado dahilan para ‘mag-iyakan’ ang nakararami lalo ang mga Pinoy na sinasabing kabilang sa mga sektor na nasa laylayan ng lipunan.
Hindi lang mga produktong nangangailangan ng petrolyo ang apektado kung hindi maging ang mga produktong agrikultura – gulay, bigas, at mga tulad nito.
Marahil ay nagtataka kayo kung paano naaapektohan ang mga produktong agrikultura samantala hindi naman petrolyo ang ginagamit na pataba at pandilig ng mga gulay, bigas at iba pa. Totoo po iyan pero naitanong ba ninyo kung paano ginagawa ang mga pataba at insecticide at iba pa?
Ibig kong sabihin, hindi ba gawa sa kemikal ang mga ito kaya, ano ang ginagamit sa pagpapaandar ng mga pagawaan? Self explanatory na po iyan.
Bukod dito, sa pagbiyahe ng mga produkto – farm to market, hindi ba gumagamit din ng produktong petrolyo ang mga magsasaka o biyahero natin? Kaya, sa patuloy na pagtaas ng mga produktong petrolyo, lahat ay apektado.
Ang makatotohanang situwasyon ngayon ang siyang umantig sa puso ni Quezon City Jail (QCJ) Warden J/Supt. Michelle Ng Bonto makaraang maramdaman ang kahirapan at kakapusan ng pamilya ng mga inaalagaan niyang persons deprived of liberty (PDLs) sa piitan na ipinagkakatiwala sa kanya.
Siyempre, bilang isang warden, hindi lang ang pagbabantay sa mga inmate ang trabaho rito ni Bonto kung hindi, marami rin siyang ikokonsidera – pag-aalaga sa kanila – kalusugan, seguridad at iba pang pangangailangan na magbibigay sigla o moral sa PDLs. Kabilang dito ang religious aspect.
Sa pag-upo ni Bonto sa QC Jail, hindi lang kalagayan ng inmates ang kanyang ikinokonsidera kung hindi maging ang situwasyon ng pamilya ng inmates. Para makatulong sa pamamagitan ng kanyang inisyatiba, nakipag-ugnayan si Bonto sa Department of Agriculture (DA). Ha! DA, ang layo yata? City Jail tapos Department of Agriculure? Hehehe, malayo nga at hindi sila ‘magkakulay’ yata.
Ganito po iyon, ang DA po kasi ang may programang matagal-tagal nang inilunsad o simula nang mag-pandemic – ang “KADIWA ni Ani at Kita” – KADIWA carts. Sa programang ito, makabibili dito ng mga murang produkto — gulay, prutas, karne ng baboy at manok, isda at iba pa.
Masasabing limitado pa ang mga puwesto ng KADIWA kaya, sa kagustuhan ng nakararaming mamili dito ay sa palengke na lamang sila bumibili, bukod sa malayo sa kanila ang puwesto ng mga KADIWA.
Para makatulong sa kapos na pamilya ng PDLs, minabuting makipag-ugnayan ni Bonto sa DA upang mailapit sa pamilya ng PDLs ang murang bilihin sa pamamagitan nga ng KADIWA.
At nangyari nga ang lahat nitong 4 Marso 2022 nang ilunsad ang KADIWA sa QC Jail Male Dormitory na nasa Brgy. Kamuning, Diliman, Quezon City.
Katunayan, sa inisyatiba ni Bonto, nailunsad ang kauna-unahang KADIWA sa QC Jail o sa lahat ng piitan sa National Capital Region na nasa ilalim ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na pinamumunuan ni Director General Allan Iral.
Hindi lamang sa DA nakipag-ugnayan si Bonto para sa programa kung hindi maging sa local government unit (LGU) ng lungsod.
Kaya ang resulta, ayon naman kay J/Supt. Xavier Solda, BJMP Public Information Officer, sa pagtutulungan ng lahat, naging matagumpay ang paglulunsad ng KADIWA sa QC Jail sa pangunguna ni Bonto.
Ang KADIWA carts ay nasa harapan ng piitan partikular sa Bernardo Park.
Ayon kay Bonto, malaki ang maitutulong ng proyekto sa PDLs lalo sa kanilang pamilya, kamag-anak at kabigan na dadalaw dahil makabibili sila sa mas mababang presyo ng mga pangunahing bilihin sa palengke tulad ng bigas, gulay, isda at iba’t ibang mga produktong agrikultura.
Bukod sa pamilya ng PDLs, isa rin sa makikinabang sa proyekto ay ang nakapalibot na residente (komunidad) sa QC Jail. Ani Bonto, maaari rin silang mamalengke sa Kadiwa.
Bago inilunsad ang proyekto, ani Bonto ay nagbahay-bahayan rin sila at namigay ng flyers ang kanyang mga tauhan sa komunidad na nakapaligid sa piitan.
“Two weeks before, namigay ng flyers ang mga tauhan ko sa mga bahay na nakapalibot sa city jail, regarding sa launching ng Kadiwa sa harapan ng piitan,” pahayag ni Bonto.
“Sa ngayon, bilang panimula ay tatlong araw muna sa loob ng isang linggo bukas ang Kadiwa. Biyernes, Sabado at Linggo…and hopefully ay magiging araw-araw na ito,” dagdag ni Bonto.
Ang okasyon ay dinaluhan nina BJMP National Capital Region (NCR) Director J/CSupt. Luisito Muñoz, P/Lt. Col. Alex Alberto, commander ng Kamuning Police Station 10, Department of Agriculture (DA) Director U-Nichols Manalo, Director for NCR operation, DA Assistant Director Annray Rivera, Joyce Bengo, OIC Chief Market Development Division.
Dumalo din sina Emmanuel Velasco, Head Sustainable Development Affairs Unit na siyang nagrepresenta kay QC Mayor Joy Belmonte, Architect Nancy Esguerra, Department Head, Parks Development Administrative, Jojo Sunico, Head Nursery Division, at retired P/Col. Procorpio Lipana, Program and Project officer ng Market Development and Administration Department (MDAD).
Naging panauhing pandangal si DA Undersecretary Kristine Evangelista for Consumer and Political Affairs.
Ang presyo sa Kadiwa ay mas mababa ng P20.00 kaysa mga produkto sa palengke.
Inihayag ni Muñoz ang pagnanais ng BJMP na palawakin ang proyekto sa mga city jail sa NCR.
J/Supt. Bonto, iba ka talaga ma’am, kapakanan muna ng iba ang inuuna mo. Congratulations sa matagumpay na proyekto.
Katunayan nga pala ay naroon tayo nang ilunsad ang proyekto, laking tuwa ko at ako’y nakapamili ng murang gulay mula Benguet. Marami rin residente ang namili.