DINAKIP ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang tatlong hinihinalang drug pusher nang makompiskahan ng shabu na nagkakalahaga ng mahigit sa P200,000 sa magkahiwalay na buy bust operation sa Quezon City, nitong Linggo ng madaling araw.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Remus Medina, ang mga nadakip na sina Raymart Herbon, 18 anyos, residente sa San Dionisio, Parañaque City; Mark Joseph Capistrano, 35, ng Brgy. Greater Fairview, QC; at Jonathan Globio, alyas Tantan, 46, naninirahan sa Brgy. Balingasa, Quezon City.
Ayon kay BGen. Medina, nagsagawa ng buy bust ang mga operatiba ng Fairview Police Station (PS 5) sa pamumuno ni P/Lt. Col. Joewie Lucas, dakong 12:30 am kahapon, 20 Pebrero, sa kahabaan ng Valiant St., Brgy. Greater Fairview, na nagresulta sa pagkakadakip nina Herbon at Capistrano matapos makompiskahan ng 13 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P204,000 at buy bust money.
Bandang 10:00 pm, nitong 19 Pebrero, nang unang magkasa ng operasyon ang La Loma Police Station (PS 2) sa pamumuno ni P/Lt. Col. Garman Manabat, sa Don Manuel St., Brgy. Balingasa, na nagresulta sa pagkakaaresto kay Globio na sinasabing ika-4 sa talaan ng Station Level Drug Personality at nakompiskahan ng tatlong gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P20,000 at buy bust money.
Inihanda ang kasong sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa tatlong drug suspects.
“Ang inyong mga lingkod-bayan sa aming himpilan ay hindi kailanman hihinto sa pagsugpo sa ilegal na droga sa aming nasasakupan at hindi kami matitinag sa panganib na maaaring idulot ng pagkasa ng mga operasyon laban sa mga pinaghihinalaang nagtutulak ng droga,” pahayag ng QCPD chief. (ALMAR DANGUILAN)