WALANG dudang Kakampinks sina Heart Evangelista at Nadine Lustre.
Ito ang nagkakaisang paniwala ng mga netizen matapos mag-post ang dalawa tungkol kay Vice President Leni Robredo sa kani-kanilang social media accounts.
Sa kanyang Instagram account, nag-post ng video si Evangelista na nagsusukat ng mga pink na damit na sinamahan niya ng caption na, “On Wednesdays we wear pink.”
Ang pink ay inuugnay kay Robredo, na ang mga supporter ay kilala sa tawag na “Kakampinks.” Nagsasagawa rin ang mga supporter ni Robredo ng iba’t ibang aktibidad at nagsusuot ng pink tuwing Miyerkoles.
“Yessss!!! Kakampink. Oragon talaga ika Heart,” komento ng Instagram user na si @gemma_adventure.
“#kakampink tayo,” dagdag naman ng Instagram user na si @francesmayr.
Sa kanyang parte, nag-post si Lustre ng larawan ng mural ni Robredo sa Leni-Kiko Volunteer Center sa Katipunan Avenue, Quezon City.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagpahayag si Nadine ng suporta kay Robredo, ngunit ito ang una niyang post ukol sa Bise Presidente sa kanyang social media account.
Sa gitna ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 dahil sa Omicron variant, nagbigay si Robredo sa mga Filipino ng libreng testing, telemedicine at COVID-19 kits.
Nang humagupit ang Typhoon Odette sa ilang bahagi ng bansa kamakailan, si Robredo ang unang personal na bumisita at nagbigay ng relief goods at ltulong sa mga lugar na naapektuhan. Nagsimula rin siya ng donation drive para sa mga apektadong residente at nangakong tutulong sa pagsasaayos ng nasirang mga lugar.