Sunday , April 13 2025
PROMDI ni Fernan AngelesI
PROMDI ni Fernan Angeles

Pekeng environmentalist sa Rizal

PROMDI
ni Fernan Angeles

KUNG kasaysayan ang pagbabatayan, mga katutubong Aeta ang mga unang Filipino at ating mga ninuno. Nasa Filipinas na sila bago pa man dumating ang mga banyagang mananakop na nagpatupad ng sistemang enkomyenda na ginamit ng mga Kastila sa pag-angkin ng malaking bahagi ng bansa.

Sa ilalim ng sistemang enkomyenda, unti-unting itinaboy ang mga unang Filipino, bagay na patuloy na nangyayari sa hanay ng mga Dumagat sa bulubunduking bahagi ng lalawigan ng Rizal.

Ang siste, sila’y garapalang pinalalayas, tinatakot at ginigipit ng mga mapagsamantala na ang panakot ay mga kasapakat sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at mga kapwa peryodistang binulag ng maling akala.

Ito ang kuwento ng mga katutubo sa gawing bahagi ng lalawigan ng Rizal kung saan sila unang nanahan, kung kailan pa’y walang nakakaalam.

Sila’y itinataboy ng isang pamilyang nagpapanggap na tagapagtaguyod ng kalikasan gamit ang isang dokumentong nilagdaan ng isang dating opisyal ng pamahalaan.

Sa isang huntahan kasama ang isang bagong luklok na opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), maging siya’y kombinsidong sablay ang Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan ni dating Environment Secretary Gina Lopez.

Paano nga ba naman magiging angkop ang isang kasunduang sukdulang ibigay sa pamilya sa likod ng Masungi Georeserve ang 2,700-ektaryang lupang sakop ng ancestral domain ng mga Dumagat.

Kung tutuusin walang masamang pangalagaan ang kalikasan. Subalit sa kaso ng mga Dumagat, malinaw na nais lamang ng mga negosyante sa likod ng Masungi Georeserve na sakupin ang lupaing katutubo sa hangaring magkaroon ng asyendang kasing laki ng lungsod ng Makati.

Pero teka sino nga ba ang nasa likod ng Masungi Georeserve? Sa pagsasaliksik, lumalabas na isang pamilyang kilala sa pagiging kontratista ang nagpapagalaw ng Masungi Georeserve. Hindi sila taga-Rizal at lalong hindi sila Dumagat.

Giit ng Masungi, kailangang protektahan ang nasa 40,000 puno, 400 uri ng mga halaman at mga hayop na tanging sa kabundukan lamang matatagpuan.

Ano ba ang kayang gawin ng Masungi na hindi kayang gawin ng mga katutubo sa kanilang sariling tahanan? Kung tutuusin, hindi kayang tumbasan ng mga nagpapanggap ng environmentalist ang malasakit ng mga katutubo sa kabundukang naging tahanan nila sa mahabang panahon.

Ayon sa isang kaibigang malawak ang kaalaman sa batas, walang karapatan ang Masungi Georeserve sa tinatawag na ancestral domain na aniya’y legal na pagmamay-ari ng mga katutubong naroon mismo sa kabundukan sa bisa ng Republic Act 8371 (Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997) na nagbibigay proteksiyon sa karapatan ng mga Dumagat sa kanilang lupang tinubuan.

Ang mga katutubong Dumagat din ang itinalaga ng pamahalaan, batay sa RA 11038 (National Integrated Protected Areas System), bukod sa Presidential Decree 324 na nagsasabing hindi bahagi ng Marikina Watershed Area ang mga katutu­bong lupain ng mga Dumagat.

Sa puntong ito, ano nga ba ang mas mananaig — ang MOA na ipinag­mamalaki ng Masungi Georeserve na pinapatakbo ng mga mapag­sa­mantalang kapita­lista o ang batas na para sa lahat?

About Fernan Angeles

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kabastusan ng Russian vlogger, winakasan na ni PMG Torre III

AKSYON AGADni Almar Danguilan HALOS araw-araw naiuulat na may mga kababayan tayong overseas Filipino worker …

YANIG ni Bong Ramos

Ipinapakitang supporta sa mga Duterte walang silbi

YANIGni Bong Ramos WALANG SILBI at balewala ang ipinapakitang suporta sa mga Duterte sa Davao …

Aksyon Agad Almar Danguilan

QCPD kinilalang No. 1 sa kagalingan vs kriminalidad sa NCR 

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAPAKAGANDA ng pasok ng Abril sa Quezon City Police District (QCPD). …

Dragon Lady Amor Virata

Ang political dynasty, bow
Magpinsan sa Las Piñas, hipag at bayaw sa Parañaque

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MAGULO, sabi ng mga Parañaqueños, hindi ang eleksiyon, kundi …

Firing Line Robert Roque

Indecent proposal

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. “…ANG mga solo parent na babae na nireregla pa, …