SA KABILA ng limang daang pisong ransom money, natakasan pa rin ng Malaysian national ang mga dumukot sa kanya na dalawang Chinese national at isang Pinoy sa Pasay City matapos dalhin sa Quezon City nitong Sabado.
Ang biktima ay kinilalang si Victor Mak, 29 anyos, binata, Malaysian national, residente sa Unit 106 Avida Towers, 24th St., BGC, Taguig City.
Habang ang dalawang suspek, ayon sa biktima ay parehong Chinese nationals at ang isa naman ay Filipino, pawang sakay ng puting Toyota Alphard.
Sa report ng Kamuning Police Station ng Quezon City Police District (QCPD-PS 10), bandang 5:30 pm nitong 4 Disyembre, nang kidnapin ang biktima sa harap ng Hilton Hotel sa Pasay City.
Batay sa imbestigasyon ni P/SSgt. Bryan Busto, naghahanap ng trabaho sa Chinese group ang biktima sa pamamagitan ng telegram application.
Agad siyang inalok ng posisyon sa isang Chinese company at nitong 4 Disyembre, dakong 5:30 pm ay nakipagkita si Mak sa mga suspek sa harap ng Hilton Hotel, Pasay City.
Habang nag-uusap, nagulat ang biktima nang puwersahan siyang isakay ng mga suspek sa Toyota Alphard hanggang mapansin ng biktima na huminto sila sa harap ng WIL Tower sa Eugenio Lopez Drive, Brgy. South Triangle, Quezon City.
Doon ay pinagbantaan ang biktima at sinabihan siya ng mga suspek ng … “Give us P500 and we will set you free.”
Pero nang hindi makapagbigay ang biktima ay inilipat siya sa Hi Ace Van at pinagtulungang bugbugin ng mga suspek sa loob ng sasakyan.
Nang makatiyempo ay nagtatakbo ang biktima at humingi ng saklolo sa mga taong nagdaraan sa Wil Tower at eksaktong may nagdaraan na police patrol na namataan ang komosyon.
Agad tumakas ang mga suspek nang makita ang mga paparating na pulis.
Patuloy pang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang mga Chinese na dumukot sa biktima. (ALMAR DANGUILAN)