PROMDI
ni Fernan Angeles
SA mata ng mga nakababata, ang mali ay nagiging tama kapag nakikitang ginagawa ng mas matanda. Ito mismo ang kuwento ng isang batang politikong tila nais pang kopyahin ang estilo ng bruskong Pangulo.
Sa ‘di kalayuang bayan ng Taytay sa lalawigan ng Rizal, may isang kapitang gaya-gaya sa asta ng Pangulo. Nang balewalain ng Pangulo ang inilabas na pagsusuri ng Commission on Audit (COA), ganoon din ang ginawa ni Kapitan Allan de Leon ng Barangay Dolores.
Katunayan, sa nakalipas na maraming taon, ipinagkibit-balikat lang ng tigasing kapitan ang mga direktiba ng COA kaugnay ng nasipat na iregularidad sa pondo ng isa sa pinakamayamang barangay sa Calabarzon region.
Batay sa mga dokumentong nakalap mula sa COA, nagmamatigas si Kap sa direktibang pagsusumite ng mga dokumento kaugnay ng umano’y mga maanomalyang transaksiyon ng nasabing opisyal at kasapakat na ingat yamang kinilala bilang isang Olivia Adriatico.
Taong 2014 pa nang ilabas ng COA ang resulta ng kanilang pagsusuri sa estado ng pananalapi ng nasabing barangay, at nasundan pa umano ng mas marami pang bulilyasong naispatan ng COA sa kanilang taunang audit report.
Hindi na bago ang bulilyaso sa gobyerno. Kung totoo ang bawat titik ng mga dokumento mula sa COA, naging mistulang ATM ang kaban ng pamayanan. Kaya ang resulta, ubos hanggang barya.
Taong 2020 nang suspendehin ng COA ang kanilang pagsusuri sa Barangay Dolores dahil sa umano’y pagmamatigas ni de Leon na magsumite ng mga kaukulang dokumentong magpapatunay na walang anomalya sa mga transaksiyong pinasok nito mula pa 2014.
Ito rin ang naging batayan ng nasabing ahensiya para irekomenda sa Department of Interior and Local Government (DILG) na suspendehin na lamang si de Leon – bagay na ‘di naman tinugon ng kagawarang tila abala sa ibang bagay.
Kompara sa bilyones na nawala sa mga transaksiyon sa gitna ng pandemya, barya lang ang pondong hanap ng COA sa Barangay Dolores. May taong mahigit P6 milyon ang pilit hinahagilap ng COA. Minsan mas mababa pa. Ipagpalagay na lang nating P6 milyon kada taon ang hindi maipaliwanag kung saan napunta, lumalabas na P48 milyon ang nawawala sa kaban ng gobyerno – P2 milyon na lang, pasok na sa plunder, isang kasong no bail batay sa umiiral na Revised Penal Code.
Kaya naman nagpasya ang COA — tigil na lang ang pag-o-audit. Anila, hindi raw nila magawang mag-audit, dahil wala naman silang susuriin.
Sa ipinamamalas na tikas ni De Leon, pihadong idol niya si Pangulong Rodrigo Duterte. Giit ni Duterte, hindi siya corrupt. Gayondin siguro si Kap.
Pero teka. Ano nga ba ang buod ng mga ibinabatong paratang kay De Leon? Maliit na bagay lang naman — mga kuwestiyonableng disbursement ng barangay, bale ni Kap, petty cash, mga reimbursement, maging ang donasyong umano’y pinababayaran sa barangay sa gitna ng pandemya ayon mismo kay Kagawad Ruffy Roy Tapawan na sinibak bilang chairman ng committee on finance.
Hay naku… hawa-hawa na ang korupsiyon. Tanong ng mga mapanuri — Kung nagagawang lustayin ang pondo ng isang barangay, paano pa kaya kung mas malaki ang nasasakupan? Ah basta, hindi corrupt si Kap!