Friday , December 27 2024
Bulabugin ni Jerry Yap
Bulabugin ni Jerry Yap

Sen. Bong Revilla, Jr., ‘absuweltong’ mandarambong

BULABUGIN
ni Jerry Yap

MAHABA ang suwerte ng aktor na naging politiko — walang iba kundi si dating senador Ramon “Bong” Revilla, Jr.

E bakit hindi?

Inabsuwelto si Revilla sa lahat ng kasong kriminal kaugnay ng akusasyong dinambong niya ang P124.5 milyones mula sa kanyang pork barrel funds.

‘Yan ay kasunod ng pag-absuwelto sa kanya ng Sandiganbayan sa natitirang 16 na bilang ng kasong graft.

Ibig sabihin, ginamit ni Revilla ang kanyang kapangyarihang politikal para sa sariling interes, hindi lang isang beses kundi maraming beses, para salukin ang pondo ng bayan patungo sa bulsikot nila ng kanyang mga kasabwat.

Pero, mahina ang mga ebidensiya para sa prosekusyon kaya inabsuwelto si Revilla ng Sandiganbayan Special First Division sa botong 3-2 sa 16 bilang ng kasong graft.

Ang tawag daw sa pagkakaabsuwelto kay Bong Onyok ay granted demurrer to evidence. Ibig sabihin daw po no’n ay hindi na pinagharap ng ebidensiya sa korte si Revilla. Pero ang demurrer to evidence ni Janet Lim Napoles ay ibinasura ng Sandiganbayan. Si Napoles ay naunang nahatulan sa kasong plunder na sinabing magkasabwat sila ng dating senador.

At ito ay sinang-ayunan nina Associate Justices Geraldine Faith Econg, Edgardo Caldona, at Rafael Lagos. Sumalungat naman sina Associate Justices Efren dela Cruz at Bayani Jacinto.

Layunin umano ng demurrer ay para kombinsihin ang korte na ang ebidensiya ng prosekusyon ay mahina at sa gitna ng paglilitis ay maaaring ibasura ang asunto.

Pero kung matatandaan ninyo, ang staff ni Revilla na si Richard Cambe, ay namatay sa Bilibid, kaya ibinasura ang kaso laban sa kanya.

Si Cambe ay kasama ni Napoles na nahatulan sa kasong plunder, isa sa high-profile convicts sa New Bilibid Prison (NBP) na namatay ngayong panahon ng pandemya.

Bagama’t marami pang ‘butas’ ang pagkakaabsuwelto kay Revilla, buong tapang na inihayag ng kanyang tanggapan: “The Sandiganbayan, by granting our demurrer to evidence and dismissing all the charges against me, validates what we have known from the very beginning – that all the accusations against me have no basis and any leg to stand on.”

Ang tibay mo Onyok!

Mantakin mo ‘yun, ‘yung inaakala ng mga tao na mahina ang utak mo e nagawa mong makakuha ng legal team na pareho mong wais! Nalusutan ninyo ang kasong plunder.

Pero noong nakalusot ka na sa kasong graft, marami na ang nagduda, tiyak na sa basura pupulutin ang asuntong plunder laban sa iyo.

Parang may dilang-demonyo ang nagsabi niyan, pero siguro dahil kabisado na nila kung paano pinapaikot ‘este’ ipinaiiral ang batas sa ating bansa kaya kompiyansa sila nang ipahayag nila ‘yan.

Inabsuwelto sa kasong graft pero hindi napag-usapan kung paano ibabalik sa gobyerno ang P124.5 milyones.

Napakasuwerte mong nilalang Bong Onyok!

Pero, marami pang kuwestiyon, at hindi resolbado sa ponente ni Associate Justices Geraldine Faith Econg lalo na’t nabuking ng National Bureau of Investigation (NBI) na pumasok ang mga kinukuwestiyong halaga sa bank account ni Revilla.

Hindi man nabusisi ang iyong Statement of Assets Liabilities, and Net worth (SALN), isang araw, kusang lalabas ‘yan.

E kung hindi maibabalik ang pera ng sambayanan, sino pala ang magbabalik gayong inabsuwelto nila sa graft and plunder cases si Revilla?!

Si William Blacktone na nagsabing: “Better ten guilty men escape than one innocent man suffer.” ba ang sinundan ng Sandiganbayan?

Kapag sinusuwerte nga naman si Bong Agimat na ngayon ay nanghihiram naman ng madyik kay Bong Agila!

Tsk tsk tsk…

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *