KUNG si Andrea Brillantes ay nakapagpatayo ng Mediterranean inspire house dahil sa mga post niya sa social media accounts niya, kabaligtaran naman ang ka-loveteam nitong si Seth Fedelin dahil hindi ito mahilig.
Sa nakaraang virtual mediacon para sa bago nilang digital anthology series Click, Like, Share ay naikuwento ng binatang taga-Cavite na hindi siya mahilig sa social media.
Aniya, ”Ako kasi ‘yung tao na talagang hindi ma-social media. Lalo na ‘pag nasa bahay ako, mas pinipili kong makipag-usap sa mga tao na nandoon sa bahay kaysa humawak sa cellphone. ‘Pag mga tipong importante lang halimbawa may kailangan ipasa, at saka ako nag-so-social media. ‘Yun lang, hindi talaga ako madalas mag-social media.”
Kaya rin siguro hindi nakalakihan ni Seth ang social media ay dahil wala rin naman siyang cellphone noon.
“Sa totoo lang hindi ako lumaki sa social media hanggang ngayon. Hindi ko siya nakaugalian kasi noong bata kami wala naman kaming cellphone, wala naman kaming computer, as in.
“Parang nagka-cellphone lang ako fourth year high school, grade 10. So talagang wala ako riyan. Hindi ko alam kung paano gumamit ng mga apps na ganyan.”
Pero aminadong dahil sa social media ay napapakain niya ang pamilya niya.
“Pinaka-best naman na nangyari nang dahil sa social media ay napakain ko ang pamilya ko. Hanggang ngayon napapakain ang pamilya ko at nakakabayad ako ng bills sa bahay namin dahil sa social media. Isa ‘yun sa pinaka-best na nangyari sa paggamit ko ng social media,” pagtatapat nito.
At kapag may mga isyu sa social media ay deadma lang din si Seth.
”Wala kasi ‘pag may nakikita ako online, binabasa ko lang siya. Hindi ako ‘yung tipo na nakikibaka. Hindi ako ‘yung gagatungan ko pa, dadagdagan ko, makikipag-away ako. Wala akong ganoon.
“Ang ginagawa ko lang isi-share ko lang siya. Pero iisipin ko ng maraming beses. Pero hindi ako magsasalita about doon sa content noong nakita ko tapos ‘pag may nangyari sa akin pagsisisihan ko. Hindi ako ganoon,” sambit pa.
Sumakto sa Click, Like, Share ang kuwento ng binata na gagampanan ang karakter na Kokoy kasama si Jimuel Pacquiao.
“Ako roon si Kokoy, ang storya niyon ‘yung sa napapanahon ngayon na pagbukas mo ng social media makikita mo ‘yung ganoon, ‘yung tipong hindi mo alam kung totoo ba ‘yung sinasabi niya. So parang titingnan nila kung sino ‘yung may kasalanan.”
Anyway, bukod kina Andrea at Seth, kasama rin sina Francine Diaz at Kyle Echarri with new Gold Squad members na sina Jimuel at Nio Tria.
Ang Click, Like, Share ay produced ng iWantTFC at ABS-CBN Entertainment in association with Dreamscape Entertainment na mapapanood na sa June 5 sa KTX.ph, iWantTFC, at TFC IPTV.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan