COMMUNITY pantry, isa sa masasabing tipo ng pagtulong sa mga kababayan nating nagugutom o kapos ngayong pandemya dulot ng pag-atake ng coronavirus (CoVid-19).
Ang community pantry ay masasabing hango rin sa matagal nang kaugalian ng Pinoy – ang “bayanihan.” Marahil hindi ko na kailangan pang ipaliwanag ang “bayanihan.” Basta in short na lang, pagtulong o pagtutulungan ng lahat para maka-survive.
Maganda ang pakay ng community pantry, isa nga sa magandang halmibawa ang itinayong pantry sa Maginhawa St., Quezon City, sa inisyatiba ni Ana Patricia Non.
Simula nang maitayo ang pantry, maraming kababayan natin ang natulungan nito – karamihan ay mula sa depressed areas. At ang kagandahan nito, ginaya o maraming private individuals ang nagtayo ng pantry hindi lang sa Metro Manila kung hind imaging sa iba’t ibang probinsiya.
Araw-araw maraming pumipila sa pantry. Sa kabila ng magandang layunin ng pantry, ito ay sinilipan pa ng ibang anggulo – kesyo konektado raw ang programa sa kalaban ng gobyerno, ang mga komunista sa bansa.
Hay naku, tumutulong na nga sa tulong din ng ibang nagbibigay ng donasyon, palalabasin pang komunista ang nasa likod ng pantry. Oo, pinalalabas na para bang may hidden agenda(s) sa pagbubuo ng community pantry.
Aba’y kung hindi naman sana kulang ang pagtulong ng gobyerno, marahil walang community pantry. Pero in fairness naman sa pamahalaan, ginagawa naman daw nila ang lahat para bawat pamilyang Pinoy ay may maihahain sa hapag kainan.
Kunsabagay nga naman, kamakailan o hanggang sa ngayon ay patuloy na namimigay ng ‘ayuda’ cash ang pamahalaan sa poorest among the poorest daw – P4,000 kada pamilya.
Teka, poorest among the poorest ba ang mga totoong nakinabang sa pinakahuling ipinamumudmod na ayuda? I doubt. Ang sabihin ninyo, pili lang ng kapitan ang bibigyan. Marami yata akong kakilala na maayos naman ang kanilang pamumuhay pero hayun nangunguna pa ang kanilang pangalan sa listahan ni Kapitan.
Ano pa man, balik tayo sa community pantry. Okey ang layunin ng programa – pakainin o tulungan ang mga nagugutom. Kung sisilipin natin ang kabilang mukha ng barya coin, masasabing may disbentaha ang community pantry.
Una, ginagawang tamad ang marami – dito na lamang sila umaasa. Paggising nila sa umaga, hayun, pila agad, imbes sikapin sana muna nilang buhayin ang kanilang sarili o pamilya.
Kapansin-pansin na iisang mukha na lamang ang araw-araw na pumipila – malalakas ang pangangatawan pero tamad magbanat ng buto. May ilan pang hinahakot ang lahat ng laman sa pantry. Hindi na inisip ang para sa iba kahit may paskil na Kumuha batay sa pangangailangan.”
Pero sabi nga ni AP Non, “tiwala sa masa” ang kailangan.
Sana’y hindi sirain ng mga mapagsamantala ang community pantry.
Magtrabaho din at ‘wag masyadong iasa sa community pantry ang pangangailangan sa araw-araw.
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan