KASADO na talaga si Angelica Panganiban na huli na niyang teleserye ang Walang Hanggang Paalam at hindi na muling gagawa pa kapag natapos na ito.
Ito ang ipinahayag ni Angelica sa katatapos na final virtual media conference para sa Walang Hanggang Paalam, na kasama niya sina Paulo Avelino, Zanjoe Marudo, at Arci Munoz.
Anang aktres, ”Hindi naman kasi siya parang overnight kong pinag-isipan. Hindi naman siya ‘yung kumabaga ‘Ay may presscon bukas, gagawa nga ako ng pasabog or gagawa nga ako ng ingay.’ Hindi naman siya ganoon.
“Siyempre bago ako umabot sa point na iyon (pagtigil sa paggawa ng teleserye), maraming-marami naman akong ikinonsidera,” paliwanag ni Angge.
Sinabi ni Angelica nab ago pa man niya tinanggap ang Walang Hanggang Paalam, may desisyon na siyang ang Playhouse na pinagsamahan din nila ni Zanjoe ang huli na niyang TV project.
“Nandoon na ako sa stage na kung ‘yung ginawa namin ni Zanjoe na ‘Playhouse,’ iniisip ko kung ‘yun na ‘yung magiging last project ko sa TV, magiging masaya na ako. Kumbaga gusto ko na siyang iwan ng ganon.”
Pero dahil sa pandemic kasabay ang hindi pagbibigay ng bagong franchise sa kanyang homestudio na ABS-CBN, parang napaisip siya na sino ba naman siya para tumanggi sa ibinibigay na trabaho gayung marami ang nawalan ng work.
“Sino ba naman ako para tumanggi sa trabaho samantalang ang dami- daming nanghihingi ng trabaho ‘di ba?” sambit ni Angelica.
At sa ngayon, muli niyang nasabi na itong Walang Hanggang Paalam ang huli niyang teleserye.
“’Yung pagod na pwede ko pang i-trabaho 50 years from now, naibigay ko na po sa show na ito. Pati ‘yung luha po, noong mga bandang dulo, wala na po ako maipatak,” giit pa nito at biglang kabig na, ”Ayaw kong magsalita ng tapos pero ‘di ba malay mo dumating, 20 years from now, mayroon akong role na hindi ko talaga ma-resist and kumbaga kaya kong lunukin ‘yung pride ko at ‘yung paninindigan ko. Wala naman sigurong mawawala sa akin,”dagdag pa ni Angelica.
Idinagdag pa ni Angelica na nararapat lang sa kanya ang magpahinga sa paggawa ng teleserye dahil more than half ng kanyang buhay eh inilaan niya sa telebisyon.
‘Siguro ngayon, ganoon pa rin ang decision ko. Siguro kasi for almost 30 years, ito naman ‘yung ginawa ko. Sa kalahati ng buhay ko, gusto ko ring ibigay sa sarili ko, deserve ko naman din sigurong magpahinga pagdating sa paggawa ng teleserye,” susog pa nito.
At sa pagtatapos ng Walang Hanggang Paalam, ipo-focus naman ni Angelica ang kanyang oras sa paggawa ng pelikula.
“So far may mga nakapila naman na gagawin kaya lang alam naman nating lahat na dahil sa situation ngayon, mahirap mag-develop ng isang project. May mga project namang naka-line up so ayun exciting kasi hindi ko rin alam kung kailan ito maisasakatuparan,” aniya pa.
Sa kabilang banda, sa nalalapit na pagtatapos ng Walang Hanggang Paalam, susuungin nina Emman (Paulo) at Celine (Angelica) ang lahat ng balakid mabuo lang ang kanilang pamilya at makapiling muli ang anak na si Robbie.
Mapapanood ang Walang Hanggang Paalam sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio