KUNG minsan nakakapanibago. Noong dati, nasanay kami na basta narinig namin si Sharon Cunea na nagpo-promote, ibig sabihin may bago siyang pelikulang ipalalabas, o kaya may bago siyang TV show. At hindi basta-basta mga promo iyon, malakihan iyon. Bukod sa mga malalaking TV programs ginagawa ang promo, talagang covered iyon ng lahat halos ng diyaryo at magazines noong araw.
Talagang nakakapanibago dahil sa ngayon, mapapansin mong nag-iisa si Sharon na nagpo-promote ng isang bagong show na ginagawa niya sa internet. Bakit hindi man lang sa TV? Bakit sa internet na lang siya mapapanood? Dalawang bagay iyan. Una, baka masyadong mataas ang talent fee ni Sharon na hindi makayanan ng mga network dahil ngayon ay bagsak din naman ang advertising sales dahil sa bagsak na ekonomiya at kawalan ng negosyo. O baka dahil sa tingin ng mga network, hindi nila maibebenta nang maganda ang show at malulugi sila sa produksiyon niyon.
Nalulungkot kami, dahil hindi namin ma-imagine na para lang magkaroon ng show si Sharon, siya mismo ang magpo-produce niyon at ipalalabas lamang sa internet. Hindi ba siya puwedeng mag-blocktime man lang? Hindi ba puwedeng kahit na sa isang cable channel man lang? Bakit naman sa internet lang?
Ito iyong totoo ha, naniniwala kami na deserve naman ni Sharon na magkaroon ng ganyang proyekto na mas malaki naman. Iyong bagay naman sa kanyang status bilang isang aktres at bilang isang TV star. Eh sa internet, nagkalat diyan kahit na iyong mga walang talent, kahit na iyong ang alam lang Tiktok. Tapos ang isang established actress at TV star papasok sa internet lang?
Iyang internet, para lang iyan sa mga amateur. Iyong kilala ka bilang isang professional performer, hindi ka naman nababagay sa internet lang. Ewan, opinion lang namin ito.
HATAWAN
ni Ed de Leon