NAGSAGAWA ng inspeksiyon si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Vice Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan sa ginagawang ika-13 quarantine facility na itinatayo ng lokal na pamahalaang lungsod sa Quiapo, Maynila.
Ang naturang quarantine facility ay itinatayo sa loob ng Manuel L. Quezon University sa Hidalgo St., Quiapo, Maynila at matapos ang ilang araw ay maaari na itong magamit ng Manila Health Department (MHD).
Ang MLQU quarantine facility ay may 60-bed capacity at ilalaan sa mga residenteng nagpositibo sa COVID-19.Plano rin ng lokal na pamahalaang lungsod na magtayo ng ika-14 na quarantine facility sa mga susunod na araw.
Matatandaan na may naunang 12 quarantine facility ang lungsod ng Maynila na aabot sa kabuuang 545-bed capacity.
Samantala, matapos ang nasabing inspeksiyon nagtungo sa Gate 2 ng University of Santo Tomas sina Domagoso at Lacuna upang pangunahan ang pagpapasinaya sa 34-unit ng MNLkonek Digital Kiosks sa paligid ng itinuturing na University Belt.
Ang naturang digital kiosk, mayroong hanggang 200 mbps internet speed na kayang makakonekta ng 100 users nang sabay-sabay.
Naitayo ito nang walang gastos ang lokal na pamahalaan ng Maynila at magagamit ng publiko partikular ng mga estudyante. (VV)