NITONG Miyerkoles, July 15, 2020, sa kanilang town hall meeting, inanunsiyo ng Kapamilya Network ang mga departamentong mabibilang sa mass lay-off. Kasama sa listahan ang channels na Studio 23, ABS-CBN Sports + Action, O Shopping, at ang FM radio station na MOR 101.9.
Dahil dito, naglabas ng tweet si Vice Ganda para sa mga nagpasara ng kanilang estasyon.
Ani Vice, “Sa pagpapasara ng ABS-CBN mawawalan ng malaking pagkakakitaan ang mga Lopez. Pero sigurado akong di sila maghihirap. Napakayaman na nila para maghirap. Ang totoong magdudusa dito ay ang mga pangkaraniwang manggagawa na nawalan ng trabaho. Sila ang maghihirap. Kung inaakala ninyong nagtagumpay kayo e nagkakamali kayo. Mali ang natarget nyo. Mali ang pinatay ninyo. At lahat yan ay mumultuhin at gagambalain kayo. Alam niyo kung sino kayo!”
Walang diretsahang binanggit si Vice kung sino ang pinatatamaan niya sa tweet, pero para sa kanyang followers, alam nila na ang mga ito ay ang 70 congressmen na hindi bumoto para muling mabigyan ng prangkisa ang Kapamilya Network at si Pangulong Rody Duterte na ayon sa kanyang speech noong July 13, “Without declaring martial law, I dismantled the oligarchy that controlled the economy of the Philippines. Without declaring martial law, sinira ko iyang mga tao na humahawak sa ekonomiya, hindi nagbabayad [ng tax].They take advantage of their political power every election. Isang kuwarto lang iyan, nag-uusap, Sinong kandidato natin ngayon?’ Isang pamilya lang nag-uusap.”
Marami ang nagpapalagay na ang pamilya Lopez at ang pagmamay-ari nitong ABS-CBN ang tinutukoy ng Presidente sa speech niya. Pero itinanggi naman ito agad ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa kanyang press briefing noong July 14.
“Hindi po obvious ‘yun. He was referring to the oligarchs which he named and he actually threatened to destroy but reconsidered,” sabi ni Secretary Roque.
“He’s referring po to the oligarchies that he has dealt with personally, nandiyan po ‘yung unang away niya with Lucio Tan, pero nagbayad po ng pagkakautang sa airport si Lucio,” aniya pa.
MA at PA
ni Rommel Placente