NAKASALALAY sa Covid test result ni Michael Argente o Kim Idol kung ibuburol siya o diretso libing na.
“Hinihintay nila ang letter ng COVID RESULT ni KIM ngayon o bukas, kapag POSITIVE diretso libing (walang cremate na magaganap) kapag NEGATIVE naman maglalaan sila ng SKED sa wake for the FAMILY, CLOSE FRIENDS at FANS. Sa FUNERARIA PILIPINAS malapit sa MAKATI CITY HALL ang wake kung sakali,” ito ang pahayag sa amin ng kaibigang Briane Alejandria.
Pumanaw si Kim sa edad na 41 nitong madaling araw ng Lunes, Hulyo 13, 4:45a.m.. Naiwan ng komedyante ang dalawa niyang kapatid na babae, apat na pamangkin, at inang si Gng Maria Taniegra Argente.
Noong Huwebes, isinugod si Kim sa Manila Central University Hospital dahil natagpuang walang malay sa pintuan ng kanyang kuwarto. At base sa pahayag ng doctor, ‘brain dead’ na ang komedyante.
Pagdurugo sa utak dahil sakit nitong AVM o brain arteriovenous malformation ang na-diagnose kay Kim noong 2015.
Tila nagpaalam na si Kim sa mga naging kasamahan niyang frontliners sa Philippines Arena na ang huling assignment ay bilang marshall ng mga kababayang naka-quarantine dahil positibo sa Covid-19. Dahil nitong Linggo ay binigyan ng tribute si Kim base sa post ni Briane na lahat ng kasamahang frontliners ay nagtali ng pink ribbon na nakasulat ang pangalan ng komedyante.
“SOBRANG PROUD AKO SA YO KIM IDOL Kahapon ay binigyan ng SALUDO ng mga SUNDALO, DOCTORs, NURSES, at mga FRONTLINERS ng BUREAU OF QUARANTINE kasama ng mga OPISYAL nito si MICHAEL ARGENTE a.k.a. KIM IDOL bilang pagpapugay sa 4 NA BUWAN nyang Paglilingkod at Pagpapasaya sa mga COVID 19 PATIENTS. ANG DAMING NAGMAMAHAL SA YO Kim. LABAN KA LANG. Me awa ang Diyos. GAGALING KA. I CLAIM IT. In JESUS’ MIGHTY NAME,” post ni Briane sa kanyang FB page.
Nakasama ni Kim si Briane dahil ito ang nagrekomenda para mapasama sa Bureau of Quarantine bilang Frontliner simula nitong Abril dahil nga sarado ang Zirkoh at Klownz na regular siyang performer.
Nag-post naman ang ina ni Kim sa kanyang Facebook page bilang tribute sa anak.
“Anak alam ko lumaban ka para hindi mo kami iwan. Pinaalis mo lang kami ng Ate mo dahil hindi namin kaya na mawala ka.Maraming nagmamahal sayo anak.We love u!
“Magandang alaala ang iniwan mo anak lalo na sa mga Covid Victim na pinasaya mo inawitan mo. Sabi mo bumilis ang kanilang paggaling kasi nawawala ang kanilang lungkot hindi mo lang alam ang takot ni mama pero dahil gusto mo nga mag work bilang Frontliner pumayag na si mama. Sobrang saya mo ng ibalita mo sakin na kahit nakasalamuha mo sila negative result mo. Sobrang Proud ako sayo anak maraming sumasaludo sayo, para sa akin anak isa kang Bayani.”
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan