MINSAN pang pinatunayan ng nag-iisang Superstar na si Nora Aunor ang kanyang pagkakaroon ng pusong maka-masa nang mamahagi siya ng blessings sa mga biktima ng Covid19.
Ayon kay katotong Rodel Fernando, mula raw nang ipinadala ang mga kaban-kabang bigas mula sa palayan ni Ms. Nora sa Bicol, naisip ng award-winning actress na ibahagi ito sa mga nangangailangan. Kaya noong June 15 ay nagpakain at namigay siya ng bigas sa mga stranded passengers na nasa Villamor Golf Course at Villamor Elementary School, at maging sa Baclaran church.
Pinagtulungan nila ni John Rendez at mga assistant niyang sina Tami at Manang Elsa ang pagre-repack. Umabot sa 200 packs of rice at 500 food packs ang naipamahagi sa mga naturang lugar. Bukod pa rito ang mahigit tatlong libong boiled eggs mula sa kanyang matalik na kaibigan.
Natutuwa naman ang Superstar at karamihan sa mga stranded passengers ay nakauwi na sa kanilang mga probinsiya.
Noong June 28 naman ay nagbigay si Ate Guy ng 300 packs ng relief goods sa mga pamilyang nangangailangan sa pangangalaga at tinutulungan ni Fr. Jose Nito C. Caligan sa Sanctuario Del Espiritu Santo sa Valenzuela. Sobra ang pasasalamat ni Ms. Nora sa mga kaibigan at tagasuporta niya na naging bahagi ng kanyang mga kawanggawang ito, tulad nina Henry Galang, Bei Guevarra ng Sydney, Delia Landagan ng Japan, Robert Gannon, Edgar Castro (President ng Noranians Worldwide), Susan Bondoc, Ghie Tamayo, at Benjie Afable.
Tuwang-tuwa ang mga nabahaginan ng tulong na karamihan ay senior citizen. May isang matanda rito na tagahanga raw ni Nora, ang mangiyak-ngiyak pa na nagsabing mabait daw talaga ang aktres. Minsan na raw kasi niyang nakadaupang palad ang Superstar at nakita niya kung gaano kamahal ng aktres ang kanyang fans na tulad niya.
Si Ms. Nora ay napapanood sa GMA-TV series na Bilangin ang Bituin sa Langit na tinatampukan din nina Kyline Alcantara, Mylene Dizon, Zoren Legaspi, Gabby Eigenmann, Ina Feleo, Candy Panglinan, Isabel Rivas, at iba pa, sa direksiyon ni Ms. Laurice Guillen.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio