NATANONG din naman kami noong isang araw kung ano ang aming opinion sa bagong rebelasyon ni Kat Alano at sa kanyang bintang na siya ay ginahasa ng isang sikat na male celebrity. Umano, nagkita sila sa isang bar, nagkainuman, at inalok siyang ihahatid pauwi. Roon mismo naganap ang panghahalay sa kanya, at sa suspetsa ni Kat, nilagyan ng droga ang kanyang ininom na alak, dahil ilang ulit din daw siyang nawalan ng malay habang isinasagawa ang panggagahasa sa kanya.
Ang nangyari, siya pa ang siniraan agad ng mga may kinalaman sa career ng nasabing male celebrity. Sinira ang kanyang kredibilidad, at katulong pa umano ang network niyon.
Pero sino nga ba ang male celebrity, blind item din naman eh. May nag-iidentify kung sino, pero matitiyak ba natin na tama ang kanilang tinutukoy? Isa pa, pinatagal kasi ni Kat. Kasi nga parang nawalan naman siya ng gana dahil may nagsabi raw sa kanya na wala ring mangyayari sa kanyang kaso, na ”para lang siyang bumabangga sa pader.”
Iyan ang mapait na katotohanan Tita Maricris. Mahirap kalaban ang isang mayroong ”well oiled PR machinery.” Didikdikin ka lang eh. Maraming mga biktima, hindi lang ng rape. May mga kaso pa ng unfair labor practice na dinikdik lang, at iyong mga kaibigan naman nilang inaasahan nila, nanahimik na lang. Mahirap kasi talagang tapatan ang isang may ”PR machinery.” Papatayin ka, lalo na sa social media. Marami ngayong mga troll. Maba-bash ka lang.
Hindi namin masisisi si Kat kung lumaban na lang siya sa sarili niyang paraan. Ilalabas niya kung ano ang kanyang naging karanasan, at maniwala ang may gustong maniwala. Iyong ayaw naman hindi niya mapipilit.
HATAWAN
ni Ed de Leon