PATULOY sa pag-alalay at pagtulong sa mga taga-Zambales ang premyadong aktres na si Aiko Melendez.
Naka-chat namin kahapon si Ms. Aiko at nalaman naming nasa Zambales siya upang magdala ng mga kailangang-kailangang tulong para sa mga mamamayan ng naturang lalawigan.
Kabilang sa dinala niya roon ang kahong-kahong canned goods, PPEs, face masks, vitamins, Lola Remedios, at iba pa.
Nang kumustahin namin, ito ang tugon niya, “Hi po, nasa Zambales po ako now kuya, nag-deliver po ng mga goods, sana okay kayo.”
Tila walang kapaguran ang Kapuso aktres at ilang beses na naming napatunayan kung gaano niya kamahal ang mga taga-Zambales, pati na rin ang masipag na Vice Governor nitong si Jay Khonghun.
“Hindi naman po (ako napapagod) kasi kapag nakaka-help po masaya ang feeling po namin ni VG Jay po,” pakli pa ni Ms. Aiko.
Kuwento pa niya, “Today lang po, kakarating ko lang po rito sa Zambales ng 1pm po.”
Makikita nga sa FB post ni Ms. Aiko noong isang araw ang ilan sa mga pinasalamatan sa mga nagbigay ng ayuda para sa Zambales.
“Maraming Salamat bro Moises Go for donating for the people of Zambales. Vg Jay Khonghun would like to extend his sincerest thank you to you, God bless”
“Thank you so much to my friend designer @piamariealviola for donating PPEs and vitamins for the frontliners of zambales 😊🙏 VG @jaykhonghun would like to thank your generosity sis may God bless you sis ❤️🙏 swipe left for more pictures ❤️ piamarieaviola ❤️.”
Kinumusta rin namin sa aktres ang sitwasyon ngayon sa Zambales?
“MECQ na po sila, kasi kaunti lang po ang affected here. Yes, na-handle po nang maayos ng provincial government ang Covid19 dito. Zero na po rito, kaso po marami pa rin need ng help po talaga.”
Inusisa rin namin siya kung mas sweet ba ngayon si VG Jay mula nang nagkatampohan sila?
Nakatawang saad ni Ms. Aiko, “Hahahahaha! Mas okay naman po kami now, kasi mas nagkaintindihan po kami.”
Nang kinumusta namin si VG Jay ito ang tugon ni Ms. Aiko:
“Okay naman po siya medyo na-stress po siya, pero kaya naman po kasi puro sarili niya pong gastos… kasi wala pong calamity fund ang VG’s office. Kaya po siya lahat ang gastos po.”
Kaya kailangan pa rin na todo-kayod sila ni VG Jay sa paglikom ng maitutulong sa mga taga-Zambales?
“Opo, sa mga kaibigan lang po namin, mabuti po mayroong help naman po. Pero majority po, gastos po ni VG ang lahat po. Malaki kasi po ang Zambales,” pahayag pa ng mahusay na aktres.