MABILIS ang naging pagtugon ng kilalang matulunging media practioner na si Raffy Tulfo sa panawagan ng tulong ni Congresswoman Maria Fe Abunda ng Eastern Samar, bunsod nang malakas na hagupit ni bagyong Ambo sa naturang lalawigan.
Si Raffy ay kilalang news anchor at veteran radio personality ng TV5/Radyo Singko at isa sa mga popular YouTuber ng bansa. Sa isang text message na ipinadala ni Congresswoman Abunda, hindi na nagdalawang isip si Raffy at agad siyang nagpadala ng isang milyong piso sa pamamagitan ng bank to bank transaction.
“Sana, kahit paano ay nakatulong iyan sa mga kababayan natin sa Eastern Samar para may makain sila o may pambili man lang ng kanilang pangangailangan.
Kung may iba pang pangangailangan ay mag-text lang ulit sa amin si Cong. Abunda at muli kaming tutulong,” sabi pa ni Tulfo sa kanyang naka-upload na YouTube video.
Makikita rin sa naka-upload na video na agad nagpabili ng food packs si Cong. Abunda at ipinamahagi ito sa kanyang mga kababayang nasalanta ng bagyo sa Eastern Samar. “Maraming salamat sa malaking tulong na naibigay ninyo sa ating mga kababayan. Mabuhay po kayo,” saad ng mambabatas.
Si Raffy Tulfo ay nabibilang sa mga top YouTube earners sa bansa. Minsan nang kumalat sa social media ang tsismis na kumikita siya ng P50M kada buwan mula sa YouTube.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio