MANGYAYARI ngayong Mayo hanggang Hunyo 2020 ang serye ng mga libreng online seminar-palihan ng Komisyon sa Wikang Filipino para sa mga editor ng teksbuk sa Filipino.
Tatalakayin sa mga editor ang mga nilalaman ng Ortograpiyang Pambansa (OP) at KWF Manwal sa Masinop na Pagsulat (MMP) na inilathala bilang isang KWF Aklat ng Bayan.
Naglalaman ang OP ng mga tuntunin sa pagbaybay sa wikang Filipino habang nagsisilbing patnubay sa masinop at maayos na pagsulat ang MMP para sa mga editor, guro, at mag-aaral.
Ilan sa mga nilalaman ng mga module ang talakay hinggil sa Alpabetong Filipino, kambal-patinig, reispeling, paggamit ng bantas at tuldik, at iba pa.
Matapos ang mga module, magkakaroon din ng inter-aksiyon ang mga editor sa mga nangangasiwa ng seminar-palihan upang mapayaman pa ang kanilang pagkatuto.
Bahagi ito ng serbisyo ng KWF sa mga editor at iba pang propesyonal na katuwang ng natatanging ahensiyang pangwika ng pamahalaan sa pagpapalaganap ng wasto at modernong Filipino sa sistemang edukasyon.
Hinihimok ng ahensiya na magpadala ng mga kinatawan ang lahat ng mga publisher ng teksbuk, lalo na ang mga nasa iba’t ibang lalawigan ng Filipinas.
Kinakailangan lamang magpadala ng email na may pangalan at kinabibilangang publishing house ang mga interesadong publisher at kanilang editor sa [email protected].
Tatanggap ang KWF ng mga aplikasyon hanggang 15 Mayo 2020.