ISA si Mojak sa mga entertainer na naapektohan nang husto dahil sa COVID-19. Marami siyang show na na-cancel mula nang nag-lockdown, ang ilan dito ay shows sa Mindoro at Bohol.
Aminado ang versatile na singer, comedian, composer na nag-aalala siya sa financial aspect na dulot ng pandemic dahil ang mga entertainer na tulad niya ay apektado talaga.
“Opo sobrang nag-aalala, baka nga heto na ang time na ako naman ang lalapit sa mga kaibigan ko to help us, hehehe. Ganoon po talaga, basta ingat tayo lagi,” esplika ni Mojak.
Naiirita ba siya sa mga pasaway, na labas nang labas ng bahay at mga pilosopo pa?
Sambit niya, “Ay opo, nakakainis ang mga iyan, sobra kasing humahaba na tayo ng ganito sa lockdown… dahil sa mga pasaway. Pero naiintindihan ko naman din po sila, kasi mamamatay sila sa gutom kung di sila maghahanap ng makakain kaya kawawa talaga.
“Kaya lang po, sana magsuot sila ng face mask at sumunod sa social distancing.”
Ano ang message niya sa mga pasaway, na ayaw sumunod sa gobyerno?
“Sana po, sumunod naman po sana sila sa government natin, kasi safety natin ang iniingatan nila para ‘di na lumala pa ang sitwasyon, sunod na lang po tayo. Kasi kung hindi po, lalong tatagal itong lockdown at mas magiging kawawa tayong lahat dahil mas lalong tatagal na hindi tayo makapaghahanapbuhay.”
Type ba niyang gawan ng kanta ang mga pasaway sa lockdown?
“Iyan nga rin po ang isa sa pinag-iisipan ko pa kuya. Ano kaya ang magandang title para sa mga pasaway?”
Saad pa ni Mojak na kamakailan ay nanalong Novelty Artist of The Year sa 11th Star Awards for Music ng PMPC.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio