SA SIMULA ay aakalain ng marami na pumalag si Pasig City Mayor Vico Sotto sa national government nang payagan niyang mag-operate ang tricycle sa kanyang lungsod sa kabila ng pagbabawal sa public transport ngayong nasa ilalim tayo ng Luzon quarantine.
Pero ang totoo sa paliwanag ni Sotto ay umaapela lamang umano siya sa Department of Interior and Local Government (DILG) na payagan ang tricycle para may masakyan ang kawawang mga health worker at ibang exempted sa quarantine.
Sa ilalim kasi ng enhanced community quarantine, ang mass public transport tulad ng MRT, LRT, jeepney, bus, motorcycle taxis at mga tricycle ay sinuspinde.
Nang mag-operate ang mga tricycle ay natural lang na sinita sila ng awtoridad at inisyuhan ng tiket dahil sa traffic disobedience pero sinagot ni Mayor Vico ang lahat ng gastos dito.
Kasunod nito ang pag-apela ng alkalde sa DILG na payagan ang mga tricycle na mag-operate para raw sa kalusugan at kaligtasan ng publiko.
Paano raw ang magpapa-dialysis, o bago pa lang sumailalim sa operasyon na magpapatingin sa doktor na kailangang bumiyahe?
Pero maaga pa lang ay inilinaw naman ng alkalde na anuman ang maging desisyon ng DILG ay susundin nila.
Ang totoo, bukod sa kalihim ng DILG ay marami ang bumatikos kay Vico. Pero di hamak naman na sandamakmak ang nagpahayag ng suporta lalo sa social media.
Kung susuriin ay pareho naman sila na may katuwiran sa ipinaliliwanag at pinaniniwalaan.
Ayon na rin sa DILG, ayaw nilang lumala pa ang problema sa coronavirus (COVID 19) at marami ang mahawa. Pero hindi nila alam kung paano maisasagawa ang sinasabing social distancing o pananatili ng isang metro o tatlong talampakan sa isa’t isa sa loob ng tricycle?
May nagsabi naman na puwedeng maglagay ng plastic cover sa pagitan ng driver at pasahero, dapat kapwa sila nakasuot ng face mask at isa lang ang pasahero.
Ganoon pa man ay hindi nagbago ang pananaw ng DILG at sinunod ito ng alkalde ng Pasig City. Pero hindi ang hindi pagsunod ni Vico sa DILG ang dapat pagtuunan ng pansin dito kung hindi ang pagsisikap ng alkalde para sa mamamayan.
Nagset-up siya ng community kitchen para sa health workers at ibang frontliners, nagtayo ng tolda sa labas ng ospital, nagpatawag ng mga bus para sa health workers at gumamit ng mga disinfection drone.
At ang maituturing na pinakamahalaga na sana’y gayahin ng ibang alkalde ay naghanda siya ng 400,000 food packs at 8,000 bote ng bitamina para sa mga residente.
Alalahanin na ang taong gutom ay nagdidilim ang paningin at kung ano-ano ang nagagawa.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE
ni Robert Roque, Jr.