Sunday , December 22 2024

Si Ledesma ng BI

PAGKATAPOS mabulgar sa imbestigasyon ng Senado ang malaking katiwalian sa kanyang tanggapan, umaastang nagsusulong kunwari ng reporma si Commissioner Jaime Morente laban sa mga tulisang opisyal at empleyado ng Bureau of Immigration (BI) na sangkot sa visa upon arrival (VUA) raket.

Alam ba ni Morente na kung siya rin ang magpapatupad ng reporma ay imposibleng makabangon pa ang BI mula sa lugmok nitong imahen?

‘Yan ay pagkatapos aminin ni Morente na matagal nang nangyayari ang nabulgar na raket ng kanyang mga tauhan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Kaya’t ang ipinagtataka ng publiko ay kung bakit walang ginawa si Morente gayong matagal na pala niyang alam ang modus ng kanyang mga tauhan.

Nalamog si Morente sa epekto ng Senate hearing noong Huwebes sa mga pinakawalang katanungan sa kanya nina Sens. Riza Hontiveros at Imee Marcos.

Dahil sa matinding kahihiyan na inabot ay gustong magbangong-puri ni Morente at inaakalang matatakpan ng kunwa-kunwariang rigodon ang malaking eskandalo sa BI.

Pero nasisiguro natin na lalong grabe ang ibubunga ng rigodon dahil sa pagtatalaga sa puwesto ng mga tulad niya rin na mantsado ang track record sa BI.

Hindi maliwanag kung may katotohanan na nakatakda raw niyang irekomenda kay Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra si Atty. Ronaldo Ledesma, hepe ng BI Center for Training and Research, na ipapalit kay Grifton Medina sa Port Operations Division (POD).

Hindi rin natin alam kung may katotohanan ang balitang si Ledesma ay batchmate daw kasi ni SOJ Guevarra.

Puwes, para sa kaalaman ng publiko, sino ba itong si Ledesma na balak daw iluklok sa POD?

Sa pagkakaalam natin, base sa kanyang plantilla, si Ledesma ay hepe ng BI-Board of Special Inquiry (BSI) at nakilala kasunod ng kanyang appointment bilang Immigration Officer-In-Charge sa administrasyon ni noo’y Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III, taong 2010.

Kaklase raw siya ni dating Executive Secretary Paquito “Boyet” Ochoa sa Ateneo Law School kaya naman agad siyang naitalagang OIC ng BI.

Medyo hindi kagandahan ang track record ni Ledesma bilang OIC Commissioner kaya naman hindi siya gaanong nagtagal.

Pero sa maikling panahon na kanyang inilagi bilang OIC Commissioner, halos 50 porsiyento ng mga contractual na confidential agents ang kanyang sinibak at nawalan ng trabaho sa BI na ayon sa kanya ay tamad at malimit na absent.

Minadali rin ni Ledesma ang hatol sa mga regular employees na may pending cases na dinesisyonan sa BI Board of Discipline (BOD) kaya’t sandamakmak ang nasibak at nasuspende noong kapanahunan niya.

Ang pinakamatindi sa lahat, minadali rin ni Ledesma ang pagpapatapon sa 14 Taiwanese nationals noong February 2, 2011 na hinuli sa isang telecommunication fraud.

Tandang-tanda pa natin, kasama ang ilang listeners ng ating programang Lapid Fire, nagsagawa kami ng kilos-protesta sa harap ng DOJ para hilingin ang pagsibak kay noo’y Sec. Leila de Lima sa puwesto dahil sa nasabing isyu na muntik nang sumira sa relasyon ng ating bansa at ng Taiwan.

Limpak-limpak na salapi ang umugong na kapalit ng 14 Taiwanese na imbes sa Taiwan ay sa China pinayagang ipatapon ni De Lima sa rekomendasyon ni Ledesma.

Ito ay sa kabila na may kautusan ang Court of Appeals na huwag ipatupad ang deportation habang nakaapela noon ang kaso sa hukuman.

Napabantog din si Ledesma sa BI matapos niyang aprobahan ang libo-libong applications for “Recognition” as Filipino Citizens (R.A. 8756) ng mga pure blooded Chinese nationals na ni gapatak ay walang bahid ng dugong Filipino?!

Sa tulong ng kanyang dalawang BFFs na sina Betty Tsekwa at Anna Say, mga kilalang travel agents cum “fixers” sa BI ay dumagsa rin ang libo-libong applications ng mga pure blooded Chinese na nasa Binondo at Baclaran.

Ayun, sobrang lakas pala ng kapit ni Ledesma noon kay De Lima at sa administrasyong Aquino kaya pasok ang kanyang track record na ipalit bilang hepe ng POD!

Ganyan ba talaga sa administrasyon ni Digong, walang ‘dilawan’ pagdating sa pag­kakaperahan?

Abangan!

***

NOLI JACINTO – “Magandang Gabi po mabuhay po kayo gusto ko lng po ipaabot sa inyo na napakaganda ng inyong programa at makatotohanan sa pagbabalita at pagbibigay ng opinion sa ating lipunan. Sana lahat ng media practioner ay gawin o kung hindi man ay tularan ang pagiging makatotohanan sa pagbibigay ng tamang opinion para maliwanagan ang mga bawat issue sa ating bansa lalo na sa kasalukuyang gobyerno natin. Mabuhay po kayo sa paglalathala sa diyaryo tungkol sa OFW sa Saudi. Sana, kung maari ay makatawag ako sa inyong palatuntunan upang sa pamamagitan ninyo ay mas lalong maipaabot sa kinauukulan ang totoong nangyayayari at dinaranas ng mga OFW d2 sa middle East. Siyanga po pala nais ko pong magbigay ng konting information sa aking pagkatao bilang masugid ninyong tagapanood. Ako po si Noli Jacinto, 59 yrs old, at 25 taon ng nagwo-work sa Gitnang Silangan. Maraming salamat po. Sana po ay mabasa ninyo ang mensahe kong ito sa inyo at taos-pusong pasasalamat sa mabuting ginagawa ninyo upang mabuksan pa ang isip ng marami nating kababayan. Muli maraming salamat po God bless you and all your love ones

 

SI DIGONG ANG NANG-AWAY MGA PINOY ANG NADAMAY

NEIL VILLEGAS – “Hello sir isa ako sa masugid na taga-panood ng program n’yo. Naalala ko ‘yung isang episode ng program n’yo patungkol sa Philippine gov’t against US and other allied nations. Na-anticipate n’yo nga ‘yung mga puwedeng mangyari and nangyayari na nga, start sa mga seaman na mag-a-apply sana sa Europe pero mas pinili ng Europe ang India.”

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *