NAPILI ng Department of Education (DepEd) ang lungsod ng Marikina bilang bagong host ng 2020 Palarong Pambansa matapos ang pag-atras ng orihinal na host na Occidental Mindoro.
Inianunsiyo ni Undersecretary at Palarong Pambansa secretary general Atty. Revsee Escobedo ang balita mula sa isang opisyal na sulat na inilabas nang sumunod na araw.
Nakapagpadala na ang DepEd ng team na mag-iinspeksiyon sa sports facilities ng “Shoe Capital of the Philippines” sa parehong araw.
Nakiusap na rin sila sa lungsod na magbigay ng listahan ng iba pang posibleng pagdarausan ng Palaro.
Ayon sa mga ulat, napilitang umatras sa pagho-host ang Occidental Mindoro dahil sa bagyong Tisoy na sumalanta sa lalawigan nitong unang bahagi ng buwan ng Disyembre.
Ikaapat ang Marikina sa mga siyudad sa NCR na magho-host ng Palarong Pambansa matapos ang Manila, Quezon City at Pasig.
(EDWIN MORENO)