KUNG hindi mapapunta ang ninang sa binyag, dalhin ang binyag sa ninang.
Mukhang iyan ang napag-isip ni Marinduque Congressman Lord Allan Velasco nang muli niyang pabinyagan ang kanyang bunsong anak na si Sara sa Davao City nang sa gayon ay makadalo ang ninang nitong si Davao City Mayor Inday Sara Duterte.
Noong una kasing magpabinyag nang bonggang-bongga si Velasco sa five-star na Makati Shangri-La Manila, nitong nakaraang buwan, mukhang inisnab ng ninang na si Mayor Sara ang okasyon, gayong nakadalo naman ang ama na si Pangulong Duterte.
Pero iba siyempre ang ninang kaya’t para feeling close ulit, nagpabinyag muli si Velasco sa Archbishop’s Palace sa Davao City nitong 19 Oktubre para tiyak nang makadalo si Mayor Sara.
Tila kinabahan si Velasco dahil mukhang nakalimutan na ‘ata siya ng pamilyang Duterte at ang napagkasunduang term-sharing sa pagiging speaker sa kongreso sa pagitan nila ni Speaker Alan Peter Cayetano.
Napabalita pang nagkaroon sila ng tampuhan ni Mayor Sara matapos na si Taguig congressman at dating senator Alan Peter Cayetano ang mahalal na Speaker sa Kamara.
Ayaw daw kasi ni Mayor Sara ang term-sharing agreement, pero tulad nga ng nangyari, si Cayetano ang napili ng mga kapwa kongresista na unang maupo bilang Speaker pagbukas ng 18th Congress noong Hulyo.
Para feeling close ulit at maipaalala ang kasunduang term-sharing na binasbasan noon ng Pangulong Duterte, eto na naman si Velasco na ginagamit ang kanyang maluluhong paraan para maipakita sa publikong malapit siya sa mga Duterte.
‘Di birong milyon-milyon ang nagastos ni Velasco sa unang binyag sa Makati Shangri-La, pero ano nga ba naman ang ilang milyones para maulit ang okasyon at maipakita sa madla na close silang muli ng kanyang political patron na si Mayor Sara.
Nagpa-panic nga ba si Velasco matapos mapatunayan ni Cayetano na karapat-dapat siyang maging Speaker dahil sa ipinakitang gilas sa unang dalawang buwan pa lamang ng kanyang pagkakaupo sa puwesto?
Kita ‘nyo naman, dalawang buwan pa lang na pagiging Speaker, nakapagtala na si Cayetano ng pinakamataas na rating kompara sa mga dati niyang kapwa Speaker sa pinakahuling survey ng Pulse Asia.
Ang trust rating ni Cayetano na 62% at approval rating na 64% ay masasabing record-high na ratings. Mas mataas pa ang ratings ni Cayetano kay Vice President Leni Robredo. Ngayon lang nangyari ito.
Bukod diyan, umani ng papuri si Cayetano mula sa mga kapwa niya kongresista dahil sa unang pagkakataon, bumango ang imahen ng Kamara sa publiko.
Tuwang-tuwa at ipinagmalaki ng mga kapwa niya lider sa Kongreso, tulad nina House Majority Leader Martin Romualdez at Deputy Speaker LRay Villafuerte, ang magandang rating ni Cayetano. Hindi nga naman makakukuha ng mataas na rating ang Speaker kung hindi inirerespeto at kinikilala ng publiko ang accomplishments ng Kamara.
Tila nakalimutan nang lahat ang term-sharing, lalo pa nga’t nito lang nakaraang linggo, sinabi ng Malacañang na wala na itong kinalaman sa napagkasunduan dahil ‘ika nga ni presidential spokesperson Salvador Panelo, nagmungkahi lang naman noon ng solusyon ang Pangulong Duterte at hahayaan na lang ang mga kongresistang magpasya kung itutuloy pa ba ang kasunduan.
Dapat ay tantanan na ni Velasco ang style niyang magpalakas sa mga Duterte. Mukhang wa epek na. Matuto siya sa ginagawa ngayon ni Cayetano na nagsisipag, nagtatrabaho nang mabuti at nagsisilbing magandang ehemplo sa mga kapwa niya kongresista.
Tularan niya si Cayetano na sa loob lamang ng dalawang buwan ay nagabayan ang Kamara na maipasa agad ang national budget, at ang iba pang mahahalagang panukalang batas na itinutulak ng Pangulong Duterte.
Ito ang napapansin ng publiko, hindi iyang mga maluluhong paraan para maipakita ang pagpapahalaga sa padrino mo.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap