MAGANDA ngayon ang takbo ng showbiz career ni Akihiro Blanco. Ang 24-year old na si Aki ay produkto ng talent series na Artista Academy ng TV5. Ang kanyang feature film debut ay sa Mga Alaala ng Tag-ulan noong 2013.
Isa sa project niya ngayon ang part 2 ng 12 Days to Destiny. Maganda ang resulta ng tambalan nina Mary Joy Apostol at Akihiro dito dahil umabot sa 1.2 million views ito sa YouTube. Kaya naman napagpasyahan ng producer nitong si Mr. Robert Tan na gawan ito ng sequel.
Sa naturang pelikula, si Majoy ay gumaganap bilang si Camille, isang architect na girlfriend si Daniel (Akihiro). Ang role naman ni Aki ay isang worker sa Blade store noong part-1 na nangangarap maging isang successful engineer, isa siyang working student at independent na binata.
Kasama rito ang original casts like Xander Pineda, Carissa Viaje and may mga bago rin daw na dagdag, ang direktor nito ay si CJ Santos.
Nabanggit ni Aki ang iba pa niyang project. “May pelikula rin po akong ginawa kasama si Michelle Vito, loveteam ko po roon at ang title #clicklikeandshare directed by Ping Medina. And may dinirek din po akong short films na coming soon, ang title ay 3am, horror short film ito and Tagpuan na isa namang love story short film.”
Mapapanood din si Aki sa Sagisag Kultura ng National Commission for Culture and the Arts bilang TV host, kasama si Lara Maige.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio