SA ayaw ninyo’t sa gusto mga ‘igan, kamakailan lang ay ipinasa ng mga Senador sa pangalawang pagbasa ang Senate Bill No. 1043 na naglalayong ipagpaliban ang halalan ng barangay at Sangguniang Kabataan, hanggang 5 Disyembre 2022, na unang itinakda noong Mayo 2000. Ano kaya ang pulso ng sambayanan?
Marami ang natuwa mga ‘igan. Ngunit, marami rin ang nakapangalumbaba sa nasabing panukalang batas. Mantakin n’yo nga naman mga ‘igan, kung saka-sakaling matatapos ang eleksiyon sa taong 2022, aba’y isasagawa na ang mga susunod na barangay at SK elections kada tatlong taon na.
Wow! Maganda kaya ito para sa kapakinabangan ng sambayanan?
Sa kabilang banda mga ‘igan, sa totoo lang, ano nga bang dahilan at umiikot umano ang wetpu ng ilang barangay chairman kung saka-sakaling tuloy-tuloy ang pag-arangkada ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections? Dahil ba sa tuluyan nang matutuldukan ang kanilang pansariling interes? O, dumating na ang takdang panahon…para wakasan ang mga katiwaliang nagaganap sa nasasakupang barangay? ‘Ika nga’y matatapos na ang maliligayang araw ni chairman he he he…
Sa mga astig at pasaway na Barangay Chairman, dapat sa inyo’y isang dagok nang magising sa katotohanang matatapos na rin ang inyong masasayang araw. At papaghariin na ang tunay at karapat-dapat na lingkodbayad ‘este lingkodbayan. ‘Ika nga’y tama na…palitan na! Tungo sa tunay na pagbabago. Bigyan ng pagkakataon ang ibang maglingkod, ‘di ba ‘igan?
Sa mga kababayan nating gusto ng pagbabago sa kani-kanilang barangay…wait na lang po nang kaunti, nalalapit na ang takdang panahon ng pagbabagong inyong inaasam-asam. Tuloy-tuloy lang sa pakikibaka, nang makamit natin sa tamang panahon. Konting tiis pa sa katarantadohan ni chairman… matutuldukan din natin lahat ‘yan he he he…
Sa mga barangay chairman na may kakayahang humawak ng barangay, tuloy-tuloy lang po sa magagandang gawain tiyak na muling iuupo dahil sa magagandang bagay na ipinakikita o ipinamamalas.
Gano’n pa man, ang boses pa rin ng taongbayan ang mananaig sa huli…kung walang dayaang mangyayari. Tama ka ‘igan, dayaan sa eleksiyon ay hindi mawawala. Kung kaya’t nasa atin na lang kung ito’y ating palalagpasin o puputulin. Maging mapagmatiyag sa lahat ng oras mga ‘igan nang sa huli’y boses pa rin ng nakararami ang maririnig.
Sadyang matalino na ngayon ang tao, lalo sa panahon ng eleksiyon. Alam na nila ang kalakaran dito, kalakaran doon. ‘Di na muling pagagamit sa mapagsamantalang politiko.
‘Yan ang Pinoy…di na mapepenoy… he he he
Sadyang ipinaliwanag ni Senate Pro-Tempore Ralph Recto na mas magiging madali para sa Commission on Elections na isagawa ang halalan isang taon bago at pagkatapos ng pambansang halalan. Matapos pumasa ang panukala sa House of Representatives, inaasahang magkakaroon ng bi-cameral conference committee.
Inaprobahan na rin ng House of Representatives Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang nasabing panukalang pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
BATO-BATO BALANI
ni Johnny Balani